
CAVITE – Tatlong tinaguriang High Value Individuals kabilang ang isang Chinese national ang naaresto sa ikinasang anti-illegal drug buy-bust operation ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor Component City Police Station, kung saan nasamsam ang mahigit P20.4 milyong halaga ng shabu sa Brgy. Habay II, alas-4:00 ng madaling araw, Linggo, Hunyo 29, 2025.
Kinilala ang dayuhang suspek na si Beongjun Cho, 47 taong gulang at pansamantalang naninirahan sa Pasay City. Kasama niyang naaresto ang dalawang kasabwat na sina alyas “Shai”, 25 taong gulang, at alyas “Dave”, 47, kapwa residente ng Cavite.
Batay sa ulat ni Cavite Police Provincial Director P/Col. Dwight Alegre na isinumite kay Calabarzon PRO 4A Regional Director BGen. Jack L. Wanky, nakumpiska mula sa mga suspek ang tatlong (3) transparent plastic bag na naglalaman ng tinatayang tatlong kilo ng hinihinalang shabu, na may halagang P20,400,000.
Narekober rin ang isang Ford Explorer na may plakang NCO 1861; isang Honda Civic na may plakang WEW 402; isang Armscor cal. 45 na baril na may magazine at mga bala; isang cal. 38 revolver na may dalawang bala; isang cellphone; ID card ng nasabing Chinese national; at ang ginamit na boodle money sa buy-bust operation.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. (Ulat nina Koi Hipolito at Erichh Abrenica)
