
Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) – Intelligence Division ang isang banyagang Chinese national na nagpapanggap umanong Pilipino gamit ang pekeng dokumento.
Kinilala ang suspek na si Wu Zhishi, 45-anyos, Chinese national, na dinakip ng mga operatiba ng BI sa koordinasyon ng mga intelligence units ng gobyerno, Armed Forces of the Philippines (AFP), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa J. Pimintel St., Purok 3, Barangay V, noong umaga ng Hunyo 25.
Ayon kay BI-Intelligence Division Chief Fortunato “Jun” Manahan, Jr., matagal nang ginagamit ni Wu ang mga umano’y iligal na nakuha niyang government-issued IDs para magpanggap bilang Pilipino at magsagawa ng iba’t ibang transaksyon sa lugar.
Nagkunwaring mga kustomer ang mga ahente ng BI upang masukol si Wu sa kaniyang negosyo. Nang sitahin, ipinakita umano nito ang isang expired retiree’s visa card at itinangging gumagamit siya ng pekeng Filipino identity. Gayunman, lumabas sa imbestigasyon na ginagamit niya ang mga pekeng dokumento upang makakuha ng lisensiya sa baril.
Agad siyang inaresto at dinala sa kustodiya ng PAOCC, habang nananatili sa legal custody ng Bureau of Immigration upang harapin ang deportation proceedings dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon ng Pilipinas.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang tukuyin kung may iba pa siyang kasabwat o transaksyon gamit ang kaniyang pekeng pagkakakilanlan.
