
MANILA – Ipinakita ng Bureau of Immigration (BI) ang kakayahan ng Advance Passenger Information System (APIS) sa isang high-level live demonstration noong Hunyo 20, tampok ang makabagong goTravel system mula sa United Nations. Layon ng demo na ipakita kung paano nagagamit ang real-time passenger data upang maagap na masuri ang mga papasok at palabas na pasahero sa bansa.
Ang goTravel system, na bahagi ng global travel initiative ng United Nations Office of Counter-Terrorism (UNOCT), ay dinisenyo upang tukuyin at hadlangan ang paggalaw ng mga high-risk individuals, kabilang ang mga sangkot sa terorismo at transnational crime.
Dumalo sa makasaysayang demo ang mga matataas na opisyal mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at batas, kabilang sina Anti-Terrorism Council – Program Management Center Undersecretary Bernardo C. Florence, Jr., Department of Justice Undersecretary Jose R. Cadiz, Jr. na may direktang oversight sa BI, at Director John Roland P. Mabbun mula sa Office of the Executive Secretary. Nagbigay ng talumpati si BI Deputy Spokesperson Melvin Mabulac ukol sa kahalagahan ng systemang ito sa border control.
Kasama rin sa mga dumalo ang mga kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Customs, Bureau of Quarantine, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Civil Aeronautics Board (CAB), at Department of Information and Communications Technology (DICT).
Personal na sinaksihan ni Rachelle Ann Lim, kinatawan ng UNOCT, ang demonstrasyon at muling tiniyak ang suporta ng United Nations sa pagpapalakas ng kakayahan ng Pilipinas sa border management.
Ayon sa BI, ang implementasyon ng APIS gamit ang goTravel system ay mahalagang hakbang patungo sa modernisasyon ng border control sa bansa, kasabay ng pandaigdigang laban kontra terorismo at illegal na transnational activities. (ARSENIO TAN)
