June 21, 2025

300 PDL inilipat mula Bilibid patungong Palawan

Nagpatuloy ngayong araw ang kampanya ng Bureau of Corrections (BuCor) para sa decongestion ng New Bilibid Prison (NBP) matapos ilipat ang 300 Persons Deprived of Liberty (PDL) patungo sa Iwahig Prison and Penal Farm sa Puerto Princesa City, Palawan.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang paglilipat ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang bawasan ang siksikan sa NBP at sabay na suportahan ang pangangailangan ng manpower sa mga Agro Institutional Projects ng Iwahig Penal Farm.

“Bukod sa pagpapaluwag sa Bilibid, ang hakbang na ito ay preparasyon na rin para sa planong pagsasara ng NBP pagsapit ng 2028,” pahayag ni Catapang.

Sa kabuuan, 11,227 PDLs na ang nailipat mula NBP patungo sa iba’t ibang penal facilities sa labas ng Metro Manila mula nang manungkulan si Catapang bilang hepe ng BuCor.

Ang paglilipat ngayong araw ay sinimulan ng maaga at pinamunuan ni Chief Correctional Inspector Alberto Andrada, kasama ang 100 personnel ng BuCor na siyang nagbantay sa buong biyahe upang matiyak ang seguridad at kaayusan ng mga PDL.

Katuwang ng BuCor sa operasyon ang Philippine National Police (PNP), partikular mula sa Muntinlupa City, Highway Patrol Group (HPG), at ang Philippine Coast Guard upang masigurong ligtas ang buong convoy.

Gamit ang 10 commercial buses, 2 HPG motorcycles, isang PNP mobile patrol, isang BuCor SWAT vehicle, at isang L300 backup unit, naging maayos at organisado ang transportasyon mula Muntinlupa patungong Palawan.

Ang paglilipat ng mga PDL ay bahagi ng mas malawak na reporma sa penal system na isinusulong ni Catapang, kabilang ang pagde-decongest ng kulungan, pagbibigay ng livelihood training, at paghahanda sa modernisasyon ng correctional facilities.