
Hunyo 20, 2025 | Antipolo City— Mas magaan na ang biyahe ng mga estudyante ngayong pasukan! Epektibo ngayong Biyernes, Hunyo 20, ipinatupad na ang 50% na fare discount para sa mga estudyanteng sumasakay sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3, ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon.
Ang diskwento ay resulta ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na layong bawasan ang gastusin ng mga estudyante at kanilang pamilya ngayong nagsisimula na ang klase.
“Gaya ng sinabi ng Pangulo, tulungan natin ang mga estudyante. Kahit maliit na bagay, malaking tulong na ito sa kanila,” pahayag ni Dizon sa panayam sa LRT-2 Antipolo Station sa Masinag.
Saklaw ng 50% diskwento ang lahat ng estudyante mula grade school, high school, kolehiyo, hanggang postgraduate gaya ng master’s at law school. Araw-araw itong valid—pati weekends at holidays.
Para makakuha ng diskwento, kailangang magpakita ng valid school ID o certificate of enrollment sa ticket counter. Hindi ito pwedeng gamitin sa beep card—single-journey tickets lamang ang sakop ng programa.
“Sa ngayon, sa single-journey ticket lang muna available ang discount habang inaayos pa kung paano maipapasok sa beep card system,” dagdag ni Dizon.
Sa LRT-2, ang pinakamababang pamasahe para sa estudyante ay ₱8 at ang pinakamataas ay ₱18.
Bagamat may estimated na ₱700,000 na kita kada araw ang mawawala sa tatlong train lines, tiniyak ni Dizon na sasagutin ito ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga estudyante.
“Ang gobyerno ang sasalo sa revenue loss. At sa huli, pera rin ito ng taumbayan—kaya dapat mapunta sa tama,” ani Dizon. Sa pagpasok ng bagong school year, malaking ginhawa ang dulot ng hakbang na ito para sa libu-libong estudyante na araw-araw bumibiyahe patungong paaralan.
