
NGAYONG Marso ay ginugunita ang kaarawan ng apat na naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Sila ay sina Jose P. Laurel (1891-1959), Emilio F. Aguinaldo (1869-1964), Fidel V. Ramos (1928-2022), at Rodrigo R. Duterte (isinilang 1945).

Ang Pangulo ang Head of State at Head of Government ng Pilipinas. Siya rin ang kinikilala bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP, itinatag 1935). Malawak ang responsibilidad at kapangyarihan ang nakaatang sa pagiging pangulo. Nangunguna ang pangangasiwa sa executive branch; paglalatag ng mga ordinansa, proklamasyon, at executive orders; ang kapangyarihang mangasiwa sa mga dayuhang nasa bansa, lupain, yaman, at pagbawi sa ill-gotten wealth; ang kapangyarihang magtalaga ng mga kawani sa pamahalaan, at mangasiwa sa mga lokal na pamahalaang yunit; at iba pang katungkulang isinasaad sa saligang batas.
Batay sa kasalukuyang Saligang Batas (1987) ang pangulo ay manunungkulan ng anim na taong termino na magsisimula sa tanghali ng 30 Hunyo matapos ang halalan. Hindi maaaring muling mahalal para sa isa pang termino.
Sa kasaysayan ang Pilipinas ay nagkaroon na ng labinpitong opisyal na kinikilalang pangulo: labinlimang lalaki, at dalawang babae. Apat sa mga naging pangulo ay nagdiriwang ng kanilang kaarawang ngayong Marso.
Narito ang Apat (4) na Mahahalagang Impormasyon tungkol sa Apat na Pangulo:
01. Si Jose Paciano Laurel Sr. Siya ang unang pangulo na magdiriwang sa buwan ng Marso. Isinilang siya noong 09 Marso 1891 Lunes sa Tanauan, Batangas. Siya ay isang edukador, politiko, abogado, at hukom, na naging Pangulo ng Ikalawang Republika ng Pilipinas (1943-45) sa ilalim ng Pamahalaan ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45). Una siyang nanilbihan bilang Undersecretary of the Interior, 1922-23 at naging Secretary of the Interior, 1923. Nahalal bilang Senador at naging Senate Majority Leader, 1925-31. Itinalaga ni Pangulong Manuel L. Quezon (1878-1944, nanilbihan 1935-44) bilang Associate Justice ng Korte Suprema, 1936-42, kaalinsabay ng pagiging Commissioner of Justice, 1941-42. Itinalaga bilang Minister of the Interior, 1942-43, bago naging pangulo. Matapos ang digmaan ay muling nahalal at naglingkod bilang Senador, 1951-57, at naging Tagapangulo ng Pambansang Kapulungan ng Edukasyon, 1956-57. Sa kanyang panahon napagtibay ni Pangulong Ramon F. Magsaysay (1907-57, nanilbihan 1953-57) ang Batas Republika Blg. 1425 o Batas Rizal. Ang batas ay nagtatadhana ng pagsama sa kurikulum ng lahat ng paaralang pambayan at pansarili ng kursong nauukol sa buhay, mga ginawa at mga sinulat ni Jose Rizal (1861-96) lalo na ang kanyang mga nobelang “Noli Me Tangere” (1887) at “El Filibusterismo” (1891); pagpapahintulot sa pagpapalimbag at pamamahagi ng nabanggit sa itaas at iba pang layunin. Naglingkod din si Laurel Sr. bilang Pangulo (1928-43) ng The National Teachers College (NTC, itinatag 1928), bago itinatag ang Lyceum of the Philippines University (LPU, itinatag 1959) sa Intramuros. Siya ay nakaranas ng stroke bago yumao sa Our Lady of Lourdes Hospital, Lungsod Maynila noong 06 Nobyembre 1959 Biyernes sa edad na 68.
02. Si Fidel Valdez Ramos. Isinilang siya noong 18 Marso 1928 Linggo sa Lingayen, Pangasinan. Nanilbihan siya bilang Chief (1972-86) ng Philippine Constabulary (ang hinalinhan ng Philippine National Police, itinatag 1991). Naging Vice-Chief ng AFP, 1985-86; Acting Chief of Staff ng AFP, 1984-85; Chief of Staff ng AFP, 1986-88; Secretary of National Defense, 1988-91; at ika-12 Pangulo ng Republika ng Pilipinas, 1992-98. Siya ang una at namumukod tanging Protestante na naging pangulo. Nakapagtapos siya sa United States Military Academy sa West Point, 1950. Sa kanyang paglilingkod bilang sundalo, itinatag niya ang Philippine Army Special Forces (1962) at naging commander ng Army’s 3rd Division na nakabase sa Lungsod Cebu, Cebu. Ang kanyang administrasyon ay sumentro sa mga proyektong newly-industrialized. Hinikayat niya ang mga dayuhang negosyante na mamuhanan sa bansa lalo na sa turismo. Noong 1996 ay kanyang pinangunahan ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC, itinatag 1989) Summit na ginanap sa Subic Bay Freeport Zone, Subic, Zambales. Kanya ding pinangunahan ang Sentenaryo ng Pagdiriwang ng Kasarinlan ng Pilipinas noong 1998. Siya ay yumao dahil sa COVID-19 Omicron variant sa Makati Medical Center, Lungsod Makati noong 31 Hulyo 2022 Linggo sa edad na 94.
03. Si Emilio Famy Aguinaldo. Isinilang siya noong 22 Marso 1869 Lunes sa Kawit, Cavite. Siya ay naging Cabeza de Barangay, 1894-95; at unang Gobernadorcillo Capitan Municipal, 1895-97. Sumapi siya sa lihim na samahang Katipunan at itinatag ang Sangguniang Magdalo, 1896. Nahalal bilang Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryong Tejeros, 1897; at Pangulo ng Republikang Biak-na-Bato, 1897. Naging Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ng Pilipinas, 1898-99; bago nanumpa bilang Unang Pangulo ng Unang Republika ng Pilipinas, 1899-1901. Ipinahayag niya ang Kasarinlan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagwagayway ng watawat sa kanyang tahanan sa Kawit, Cavite, noong 12 Hunyo 1898 Linggo. Nakilala si Aguinaldo bilang isa sa mga naging bayani ng bansa, subalit naging bahagi sa mga kontrobersyang nag-uugnay sa pagkamatay nina Andres Bonifacio (1863-97), dating Supremo ng Katipunan, at Heneral Antonio Luna (1866-99); at kolaborasyon sa Imperyo ng Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-45). Siya ay yumao dahil sa coronary thrombosis sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Lungsod Quezon noong 06 Pebrero 1962 Martes ng madaling araw sa edad na 94.
04. Si Rodrigo Roa Duterte. Isinilang siya noong 28 Marso 1945 Miyerkoles sa Maasin, Leyte. Siya ay nanilbihan bilang Mayor ng Lungsod Davao, 1988-98, 2001-10, at 2013-16; Vice Mayor, 2010-13; Kinatawan ng Unang Distrito ng Lungsod Davao, 1998-01; at Pangulo, 2016-22. Ang kanyang administrasyon ay naging kontrobersya dahil sa kampanya laban sa droga, at mga hamon ng pandemyang COVID-19. Sa kasalukuyan siya ay nasa The Hague, Netherlands matapos maaresto ng awtoridad noong 11 Marso 2025 Martes upang dalhin para sa paglilitis ng International Criminal Court (ICC, itinatag 1998). Siya ang unang pangulo ng Pilipinas at pinuno sa Asya na ililitis ng ICC. Magdiriwang siya ngayong buwan ng kanyang ika-80 taong kaarawan.
Mabuting pagkakataon ang balikan at kilalanin ang mga nagdaang pangulo ng bansa. Sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa kanilang naging buhay ay mababatid ang mga nagawa na nagsilbing pundasyon tungo sa pagbabago ng lipunan para sa kaunlaran. Ang kanilang naging kalakasan at kahinaan ay magsisilbing inspirasyon at aral upang maglingkod ng buong katapatan at sigasig para sa bayan.
Maligayang Kaarawan Mga Pangulo!
More Stories
Erwin Tulfo sa mga nag-aala lawyer sa social media: DUTERTE INOSENTE HANGGA’T HINDI NAPAPATUNAYANG GUILTY
MARAMI PANG SISIBAKIN SA BI DAHIL SA PAGTAKAS NG PUGANTENG KOREANO
BASTE KAY MARCOS: PINAKULONG MO NAGPALIBING SA TATAY MO, P***** I** KA!