September 30, 2024

2 SANGGOL, 4 IBA PA PATAY SA SUNOG SA TONDO

NASAWI ang anim na katao, kabilang ang dalawang sanggol, nang sumuklab ang sunog sa kahabaan ng Asuncion Street corner Padre Rada Street sa  Tondo, Maynila nitong Linggo ng umaga.

Kinilala ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office ang mga nasawing biktima na sina Christel Anne Salon, Ivan Morales, Monica Valisno, Bryan Jay Gutierez at dalawang sanggol.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog dakong alas-4:39 ng madaling araw mula sa second floor ng isang four-storey house.

Matapos ang dalawang oras, tuluyang naapula ang sunog na umabot lang sa unang alarma. Gayunpaman, anim na indibidwal na pawang nakasilid na sa body bags mula sa natupok na istruktura ang inilabas ng mga BFP personnel sa isinagawang sweeping operation.

Ayon sa mga awtoridad, naipit ang mga biktima sa upper floors ng naturang bahay.

Sa paunang imbestigasyon, “faulty electrical wiring” ang nakikitang dahilan ng sunog.