November 24, 2024

BASETH ‘KINGPIN’ MACAIBAT NG ‘PINAS HARI NG SHARKS ONE-ON-ONE 10-BALL TILT

DINEMOLIS ni Baseth ‘Kingpin’ Macaibat ng Pilipinas ang dayuhang  kalaban mula Taiwan na si  Chang ‘Jung-Lin upang pagharian ang malupit na race- to-63 na torneong Sharks  One-on-One 10-Ball Championship sa Quezon  City kamakalawa ng gabi.

Ang pambatong bilyarista mula Dasmarinas City sa Cavite na si Baseth( tanyag sa bansag ng Kingpin sa billiards community) ay agad na inapula ang pagbuga ng apoy ng tinaguriang Fire Dragon mula Chinese Taipei matapos iposte ang malaking  bentahe sa kanilang unang sarguhan nitong Enero 14 sa iskor na 21-6  pabor sa Pinoy cue artist.

Nabigong sumiklab si Fire Dragon sa pagpatuloy ng race  sa ikalawang tumbukan( Enero 15) dahilan upang mamaga ang kalamangan ni Macaibat at mapalapit sa trono ng torneong  inorganisa ng Sharks Billiards League sa timon ni  Direk Hadley Mariano ng BMPPA at suportado ng Hardtimes Sports Bar,Andy Billiads Cloth at Bugsy Promotion.

 Tuluy- tuloy ang pananalasa ni Baseth sa pampinaleng araw ( Enero 16) at tuluyan nang nawalan ng usok ang kalabang dragon upang  angkinin ang tagumpay lakip ang premyong salapi at pag-usad ng ranking sa SBL na torneong  may basbas ng Games and Amusement Board( GAB).

   “Heavy pa rin ang mga pambato natin . Kaya malaking tulong ang mga ganitong uri ng kumpetisyon na may mga magagaling ng dayuhang kalaban kaya tuluy- tuloy ang Sharks sa paghubog ng mahuhusay at potential  nating

bilyaristang pang- international”, wika ni Hadley,anak ng tanyag na businessman,sports patron Perry Mariano ng Quezon City.    ” Naunahan ko si Fire Dragon kaya di ko na hinayaan pang makabuga ng apoy. Mapanganib na bigyang pagkakataon ang mga Taiwanese pool artist.Ang tagumpay na ito ay para sa aking kababayang Pilipino,” sambit ng bagong haring si Baseth Macaibat.