May 16, 2024

Miyembro ng “Compendio Drug Group”, kasabwat timbog sa buy bust sa Valenzuela

KULONG ang dalawang hinihinalang drug personalities, kabilang ang isang miyembro ng “Compendio Drug Group” na listed bilang high-value individual (HVI) matapos madakip sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang naarestong mga suspek bilang si Alex Estrella alyas “Tropa”, 44, (HVI), miyembro ng “Compendio Drug Group” at Joel Ofiaza, 36, kapwa residente ng M. Gregorio St., Brgy. Canumay West.

Sa ulat ni Col. Destura kay Northern Police District (NPD) District Director PBGEN Ponce Rogeliop Peñones Jr, dakong ala-1:40 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa kahabaan ng Gen T. De Leon Road, harap ng De Gula Compound, Brgy., Gen. T. De Leon kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P500 halaga ng droga.

Nang matanggap ang pre-arrange signal mula sa kanilang kasama na nagsilbi bilang poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa mga suspek ay agad lumapit ang back-up na mga operatiba at inaresto ang dalawa.

Ani PSSg Carlito Nerit Jr, nakumiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value P68,000.00, marked money, P200 bills, sling bag, 2 cellphones at isang motorsiklo.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.