November 26, 2024

6 arestado sa pagbebenta ng pekeng COVID-19 vaccination cards

MANILA, PHILIPPINES

Nasakote ang anim katao na gumagawa at nagbebenta umano ng pekeng COVID-19 vaccination cards sa isinagawang operation ng mga tauhan ng District Special Operation Unit (DSOU) ng Northern Police District (NPD) sa Recto Avenue, Manila, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay NPD Director P/BGen. Jose Santiago Hidalgo, Jr. isinagawa ang operation ng mga operatiba ng DSOU sa pangunguna ni P/Maj. Vicky Tamayo na nagresulta sa pagkakaaresto kay Geraldine Vargas, 51, Camille Cressida Halili, 34, Janneth Viernes, 42, Gengen Subito, 34, Nikko Molina, 18 at Ronaldo Benitez, 31.

Nauna rito, nakatanggang si DSOU chief P/Lt. Col Jay Dimaandal ng isang tip mula sa kanilang confidential informant na ang mga suspek ay nagbebenta ng mga pekeng COVID-19 vaccination cards ng Caloocan and Valenzuela Cities.

Alas- 6:30 ng gabi, isang police poseur-buyer ang nagawang makakuha ng isang pekeng health vaccination card ng Caloocan City kapalit ng marked money na naging dahilan upang agad lusubin ng mga operatiba ang naturang lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Narekober sa lugar ang ilang health vaccination cards ng Caloocan at Valenzuela Cities, fake Covid-19 antigen test results, fake vaccine receipts, gamit sa pagproseso ng mga pekeng dokumento, marked money na ginamit sa entrapment operation at P2,300.00 cash.

Kasong paglabag sa Art. 172 of Revised Penal Code in relation to Rule XI Section 1 paragraph B of Implementing Rules and Regulation of RA No. 11332 o alleged fake vaccination cards ang isinampa sa mga suspek. (JUVY LUCERO)