Arestado ang apat na suspek at nasamsam ang mahigit P2.2 milyon halaga ng synthetic cannabinoids o “Tuklaw” at high-grade marijuana matapos ang matagumpay na buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Nangka, Marikina City nitong Nobyembre 13, 2025.
Ayon sa ulat ng Marikina City Police Station Drug Enforcement Unit na pinamumunuan ni PCOL Jenny DC Tecson, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nang isagawa ang operasyon sa No. 321 F. Manalo Street, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nakilala ang mga naaresto na sina alias “Zardo” (20, jobless, Brgy. Malanday), alias “Luke” (20, jobless, Brgy. Nangka), alias “Shane” (21, Joyride rider, San Mateo, Rizal), at alias “Fin” (26, Angkas rider, San Mateo, Rizal).
Nadakip ang grupo matapos bentahan ng poseur buyer ng isang sachet ng high-grade marijuana o “kush” si alias Zardo at ang kanyang mga kasabwat.
Nasamsam mula sa kanila ang tatlong sachet ng suspected high-grade marijuana; isang sachet pa ng kush; 631 pakete ng black cigarettes na naglalaman ng synthetic cannabinoids o “Tuklaw”; isang black pouch, isangbrown box, dalawang eco bag; at isang P500 marked money.
Tinatayang aabot sa P12,000 ang halaga ng marijuana at P2,208,500 naman ang halaga ng synthetic cannabinoids na nakumpiska.
Isinagawa ang marking at inventory ng mga ebidensya sa presensiya ng mga saksi. Dinala ang mga suspek sa Marikina City Police Station para sa dokumentasyon bago isailalim sa medical examination sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Ang mga nakuhang droga ay isusumite sa Eastern Police District Forensic Unit sa Mandaluyong City para sa pagsusuri.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 (Sale) at 11 (Possession) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng Marikina Police habang hinihintay ang inquest proceedings. (Arnold Pajaron Jr)
