
SAN MATEO, RIZAL – Tatlong miyembro ng isang pamilya, ang nasawi sa sunog na sumiklab sa kanilang tahanan sa Barangay Ampid 1 nitong madaling-araw ng Linggo, Hulyo 6.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling-araw sa dalawang palapag na bahay ng mga biktima. Itinaas ito sa first alarm at idineklarang fire out pagsapit ng alas-2:50 ng madaling-araw.
Kinilala ang mga nasawi na ang 60-anyos na ginang, ang kanyang 30-anyos na anak na babae, at manugang. Natagpuan ng mga rumespondeng bombero ang mag-asawa sa loob ng banyo, habang ang matandang babae ay nakita sa hagdanan. Pinaniniwalaang na-trap ang tatlo sa gitna ng pagkalat ng apoy.
Samantala, nakaligtas ang 64-anyos na asawa ng matandang babae matapos itong tumalon mula sa terrace ng bahay. Siya ay nagtamo ng first-degree burns at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng sunog.