Nagsanib-puwersa ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Freedom from Debt Coalition (FDC), SANLAKAS, at Social Watch Philippines ngayong Enero 16 upang ilantad ang umano’y mga “sakit” ng P6.793-trilyong 2026 General Appropriations Act (GAA).
Direktang tinawag ni Prof. Marivic Raquiza ng Social Watch Philippines ang pambansang badyet na “pork-laden” at hindi maka-tao.
Ayon kay Raquiza, bagama’t may mga terminong ginagamit upang itago ito, mayroong P319 bilyon sa mga ahensya ng gobyerno na maituturing na “assured pork-barrel.”
Ipinunto ng grupo na ang ganitong kalaking pondo ay tila nakareserba para sa diskresyon ng mga mambabatas sa halip na direktang mapunta sa mga serbisyong panlipunan na mas kailangan ng mamamayan.
Binigyang-diin naman ni Rovik Obanil ng FDC ang malubhang problema ng bansa sa utang. Ayon sa kanya, ang budget deficit o kakulangan sa pondo ay naging “norm” o karaniwan na lamang sa bansa sa halip na maging eksepsyon.
Ipinaliwanag ni Obanil na sa bawat administrasyong nagdaan, malaking bahagi ng national budget ang awtomatikong napupunta sa debt service (pagbabayad-utang), na naglilimita sa kakayahan ng gobyerno na pondohan ang edukasyon, kalusugan, at kabuhayan.
Kinuwestiyon din ni Elle Bartolome ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) ang prayoridad ng administrasyon pagdating sa kalikasan. Sa kabila ng banta ng climate change, ang badyet para sa Climate and Disaster Resilience, Energy, and Environment ay nasa P334 bilyon lamang.
Ibinunyag ng PMCJ na ang nasabing halaga ay kalahati na lamang (reduced by more than half) mula sa orihinal na panukala ng administrasyon at hamak na mas maliit ito kumpara sa dambuhalang pondo na ibinibigay sa infrastructure projects at militar.
Ang media forum ay dinaluhan din ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates, Teachers Dignity Coalition, at Workers Challenge.
Nagkakaisa ang mga grupo sa panawagan na i-audit ang badyet at tiyaking bawat piso ay mapupunta sa tunay na pag-unlad ng mga manggagawa, guro, at mahihirap na sektor. Inaasahang maglalabas ang PMCJ ng isang mas malalim na budget analysis sa mga susunod na araw upang himayin ang mga pondong posibleng nauuwi lamang sa korapsyon. (ART TORRES)
