Sa kabila ng matinding kontrobersyang kinasasangkutan ng kanyang pamilya hinggil sa mga proyektong pampubliko, nananatili sa kanyang puwesto si Department of Justice (DOJ) Undersecretary Jose “Jojo” Cadiz Jr. matapos hindi tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang courtesy resignation.
Kinumpirma ni DOJ Spokesperson Polo Martinez ngayong Biyernes, Enero 16, na nagbalik-trabaho na si Cadiz noong Enero 5. Hawak pa rin niya ang parehong tungkulin bilang Undersecretary para sa Immigration and Special Concerns Cluster.
Matatandaang inanunsyo ng Malacañang ang resignasyon ni Cadiz noong Disyembre kasunod ng rebelasyon na ang kanyang 19-anyos na anak na estudyante ay nagmamay-ari ng JSJ Builders.
Ang nasabing kumpanya ay nakakuha ng P251 milyong halaga ng flood control projects mula sa DPWH sa Ilocos Norte—ang balwarte ng mga Marcos at hometown ni Cadiz.
Ang JSJ Builders ay itinatag lamang noong 2023 sa capital na P35 milyon, sa panahong nakaupo na bilang Usec. si Cadiz. Ayon sa 1987 Konstitusyon, mahigpit na ipinagbabawal sa mga miyembro ng Gabinete at kanilang mga deputy ang magkaroon ng tuwiran o hindi tuwirang interes sa mga kontrata ng gobyerno.
Dahil dito, kinumpirma ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na nagsagawa na sila ng imbestigasyon hinggil sa posibleng conflict of interest.
Lalong uminit ang isyu matapos ang alegasyon ng nagtatagong si dating Congressman Zaldy Co. Ayon kay Co, naghatid umano siya ng P1 bilyon na kickback kay Cadiz sa dalawang magkahiwalay na pagkakataon, na para raw sana sa Pangulo.
Itinanggi na ni Pangulong Marcos ang mga paratang na ito. Hindi rin binibigyan ng bigat ng mga imbestigador ang salaysay ni Co dahil ginawa lamang ito sa social media at hindi “under oath,” habang si Co mismo ay nahaharap sa arrest warrant para sa graft at malversation.
Bago ang pananatili ni Cadiz, nagpahayag ang Malacañang sa pamamagitan ni Press Undersecretary Claire Castro na mas mainam na magbitiw ang mga opisyal na may kaugnayan sa mga contractor bilang delicadeza at upang ipakita na hindi kinukunsinti ng Pangulo ang anumang anomalya.
Sa ngayon, ang pananatili ni Cadiz sa DOJ ay itinuturing na “dignified firing” na nauwi sa pananatili, habang patuloy na nagbabago ang komposisyon ng Gabinete ni Marcos matapos ang midterm elections.
