Nakahinga nang maluwag si dating Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos siyang pawalang-sala ng Manila Regional Trial Court Branch 15 sa kasong pagpatay kay dating Negros Oriental Board Member Miguel Lopez Dungog at dalawa pang indibidwal.
Sa desisyong may petsang Enero 5, 2026, ngunit isapubliko lamang ngayong Biyernes, pinaboran ni Presiding Judge Eduardo Ramon Reyes ang demurrer to evidence na inihain ni Teves. Ang nasabing mosyon ay nangangahulugang bigo ang panig ng prosekusyon na magpakita ng sapat na ebidensya upang mapatunayan ang sala ng akusado.
“Ang ebidensya ng prosekusyon ay legal na hindi sapat para panindigan ang isang conviction… Ang obligahin ang akusado na magpresenta ng ebidensya sa ilalim ng ganitong sitwasyon ay paglabag sa constitutional presumption of innocence,” anang desisyon ng korte.
Bukod kay Teves, absuwelto rin ang kanyang mga co-accused na sina Richard Cuadra at Rolando Pinili. Inutusan na rin ng korte ang Manila Jail na palayain ang mga ito kung wala nang ibang kinakaharap na kaso.
Ipinagmalaki naman ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio ang naging hatol ng korte. Ayon sa kanya, patunay ito na ang mga kaso laban sa kanyang kliyente ay pawang “harassment suits” lamang at pamumulitika.
“Ipinapakita nito kung paano ginawang ‘weapon’ ang Department of Justice para gipitin ang mga kritiko ng gobyerno. Mapalad tayo na mayroon tayong patas at independiyenteng hukuman,” ani Topacio.

Sa kabila ng pagkapanalo sa kasong ito, hindi pa rin makakalabas ng kulungan si Teves. Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, mananatiling nakadetene ang dating mambabatas dahil sa iba pa nitong nakabinbing kaso, kabilang ang madugong pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at 10 iba pa noong 2023.
Kasalukuyang nakapiit si Teves sa National Bureau of Investigation (NBI) facility sa loob ng Building 14 ng Maximum Security Compound sa New Bilibid Prison matapos siyang maibalik sa bansa mula sa Timor-Leste noong nakaraang taon.