May 16, 2024

2 tulak ng droga timbog sa drug buy-bust sa Valenzuela

Natulala sina Edmundo Acuña at Glennmore Gabriel matapos madamba sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit ng Valenzuela Police sa Tata Andres St., Barangay Parada sa nasabing siyudad. (RIC ROLDAN)

DALAWANG hinihinalang drug personalities ang arestado matapos bentahan ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Fernando Ortega ang naarestong mga suspek na si Edmundo Acuña, 43 ng 6111 Lower Tibagan Gen. T. De Leon, at Glennmore Gabriel, 40 ng 365 Tata Andrez St. Brgy. Parada.

Ayon kay Col. Ortega, ala-1 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) na sina PSSg Alvin Olpindo, PCpl Franciz Cuaresma at PCpl Dario Dehitta sa pangunguna ni PLT Ronald Sanchez ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa bahay ni Gabriel sa 365 Tata Andrez St. matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa ilegal activities ng mga ito.

Isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makapagtransaksyon sa mga suspek ng P1,000 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng droga ay agad sumugod ang back up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga ito. Nasamsam sa mga suspek ang aabot sa 12 gramo ng shabu na nasa Php 81,600.00 ang halaga, nasa 2,250 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nasa (Php 270,000.00) ang halaga, buy bust money, P2,000 cash, cellphone at isang SYM Bounus 110 motorcycle.