May 12, 2024

2 tulak nabitag sa Malabon buy bust

BAGSAK sa kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos matimbog sa isinagawang buy bust operation sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro ang naarestong mga suspek bilang sina Ryan Diaz, 44 at Yves Operio, 34, helper, kapwa residente ng Brgy. 8, Caloocan City.

Ayon kay Col. Daro, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa P. Aquino Avenue corner Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta umano ng shabu ang mga suspek.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P500 marked money mula sa isang undercover police poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay agad silang pinosasan ng mga operatiba.

Ani PMSg Randy Billedo, nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 6.8 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P46,240.00 at buy bust money. (JUVY LUCERO)