September 28, 2024

2 drug suspects tiklo sa baril at P374K shabu sa Caloocan

NASA mahigit P.3 milyong halaga ng shabu at isang baril ang nasabat sa dalawang drug suspects matapos matimbog ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Sa report ng Caloocan City Police Station kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, kinilala ang naarestong mga suspek na sina alyas Hasan, 23, at alyas Budok, 26, kapwa residente ng Tala, Brgy. 188.

Ayon kay P/Lt. Restie Mables, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan police, nakatanggap sila ng impormasyon ang hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni ‘Hasan’ kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang ulat, ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni Lt. Mables ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Hasan’, kasama ang kanyang kasabwat na si ‘Budok’ dakong alas-9:33 ng gabi sa Tatiana St., corner Kaagabay Road, Brgy. 188.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P374,000 at buy bust money na isang P500 bill, kasama ang anim pirasong P6,000 boodle money habang ang isang caliber .38 revolver na kargado ng bala at nakuha kay ‘Hasan’

 Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A. 10591  o ang Comprehensive  Firearms and Ammunition Regulation Act ang kakaharapin pa ni ‘Hasan’.