Pinangunahan ni Finance Secretary Frederick D. Go ang panunumpa sa tungkulin ni Atty. Ricardo R. Blancaflor bilang Acting Chairperson ng Board of Trustees ng Government Service Insurance System (GSIS). (Photo credit: Department of Finance)
Opisyal nang tinanggap ng Government Service Insurance System (GSIS) si Atty. Ricardo R. Blancaflor bilang bagong chairperson ng Board of Trustees nito noong Hunyo 10, 2026.
Alinsunod dito, hahalili siya sa pinalitang pinuno na si Rodney Del Rosario Jr.
Ipinaabot ni GSIS President and General Manager Wick Veloso ang mainit na pagtanggap ng buong pamunuan sa pagpasok ng bagong pinuno ng bansa.
“Inaasahan ng GSIS ang masusing pakikipagtulungan kay Chairperson Blancaflor habang patuloy nating pinagpapatibay ang Pondo, pinalalawak ang mga benepisyo para sa ating mga miyembro at pensyonado, at nagsusulong ng mga makabagong reporma na magpapabuti sa serbisyo-publiko,” pahayag ni Veloso.
Dahil sa kanyang malawak na karanasan sa serbisyo-publiko, gawaing legal, at pamumuno sa mga polisiya, inaasahang malaki ang maitutulong ni Blancaflor sa paggabay sa GSIS upang higit pang mapalakas ang mga “ginhawa” programs at serbisyo para sa mga kawani ng pamahalaan at mga retirado.
BASAHIN: GSIS, tinawid ang dagat para maghatid ng teknolohiya at learning tools sa mga liblib na paaralan
Kasabay nito, nagpaabot din ng pasasalamat at pagkilala si Veloso sa naging kontribusyon at pamumuno ni Del Rosario sa kanyang termino bilang chairman.
“Pinamunuan tayo ni Chairman Rodney nang may karunungan, propesyonalismo, at matatag na gabay, na nakatulong sa GSIS upang matupad ang mandato nito sa milyun-milyong manggagawa ng gobyerno at mga pensyonado,” dagdag ni Veloso. “Ang kanyang mahinahong disposisyon, makabuluhang pananaw, at dedikasyon sa mabuting pamamahala ay nag-iwan ng permanenteng marka sa institusyon.”
Ayon sa GSIS, ang pagbabagong ito sa pamunuan ay nagaganap sa panahon na puspusan ang ahensya sa pagpapaganda ng karanasan ng mga miyembro, pagpapataas ng kalidad ng operasyon, at paghahatid ng mabilis at responsableng serbisyo sa lahat ng kanilang mga stakeholder.
