ARESTADO ang dalawang babae na nagpanggap na faith healer nang mabisto ang ginawang pambubudol sa mag-asawa na tinangka nilang matangayan ng malaking halaga ng cash at alahas sa Valenzuela City, Linggo ng gabi.
Nahaharap sa kasong swindling estafa ang mga suspek na sina alyas “ Charie”, 34, at “Maria”, 50, kapwa residente ng Brgy., San Rafael, Montalban Rizal.
Naaresto ang mga suspem ng mga tauhan ni Valenzuela Police Acting P/Col. Joseph Talento na hiningan ng tulong ng mag-asawang sina alyas “Gilda”, 46, at alyas “Domingo”, 46, kapwa ng Brgy., Mapulang Lupa.
Sa pahayag ni ‘Domingo’ kay P/Capt. Robin Santos, hepe ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), nakilala niya ang mga suspek sa palengke ng Malinta na nagkunwaring mga faith healer at naisip niya na baka makatulong ang dalawa na mapagaling ang sakit na “sciatica” na matagal ng dinaranas ng kanyang asawa kaya’t kinuha niya ang serbisyo ng dalawa.
Pinaghanda umano ng mga suspek si ‘Domingo’ ng walong iba’t ibang uri ng prutas, walong bulaklak, walong itim na kandila, P198,100 cash, mga gintong alahas na nagkakahalaga ng P113,000, dalawang puting sobre na pang-alay umano sa puting duwende na si “Datu Kuru” na gagamitin sa rituwal sa bahay ng biktima.
Isinilid ni ‘Maria’ ang pera at mga alahas sa puting sobre at tinalian bago inutusan si ‘Domingo’ na dalhin ito sa loob ng kanilang banyo saka magdasal at makalipas ang ilang sandali ay sumunod si ‘Charie’ at pinalabas ang biktima bago sumunod na pumasok ang isa pang suspek.
Ibinalot kunwari ng mga suspek sa dilaw na tela ang alay na pera at alahas saka sinabihan ang mag-asawa na huwag bubuksan hanggang sila ay makaalis dahil mawawalan umano ng bisa ang panggagamot bago nagmadaling umalis ang mga ito.
Subalit, naghinala si ‘Domingo’ saka binuksan ang binalot na tela at dito natuklasan na naglalaman ito ng mga budol na perang papel kaya kaagad niyang hinabol ang mga suspek.
May nakapagturo na sumakay ang mga suspek sa bus sa VGC kaya humingi na ng tulong ang biktima sa mga tauhan ng Police Sub-Station 8 na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang babae at nabawi sa kanila ang tinangay na pera at alahas sa mag-asawa. (JUVY LUCERO)
