NAILIPAT ng dating House Speaker at pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na si Rep. Martin Romualdez ang ownership ng kanyang 2.24-million (P130.5 million) property sa Dover, Massachisetts sa isang korporasyon sa halagang $1 lamang, batay sa mga dokumentong nakuha ng Rappler.
Ayon sa mga opisyal na tala ng pamahalaan ng Estados Unidos, ang 6.25-acre (2.5-ektaryang) lupain ay nakarehistro sa pangalang “ROMUALDEZ FERDINAND MARTIN G.”, ang buong pangalan ng dating lider ng Kamara.
Ang bahay, na itinayo pa noong dekada 1930, ay isang colonial-style mansion na may sampung silid, kabilang ang apat na kuwarto. Nabili umano ito ni Romualdez noong 1988 sa halagang $650,000, o tinatayang P13.7 milyon noon.
Noong Hulyo 1, 2025, nilagdaan ni Romualdez ang isang quitclaim deed na naglipat ng pagmamay-ari ng nasabing mansyon sa kumpanyang AMMY INC., isang korporasyong nakarehistro sa Delaware, “kapalit ng nominal na halagang $1.”
Bagama’t lehitimo ang ganitong uri ng kasunduan, ayon sa mga abogadong nakausap ng Rappler, maaari itong magdulot ng pagdududa kung ang layunin ay itago ang tunay na pagmamay-ari ng ari-arian o ilayo ito mula sa posibleng pananagutan o imbestigasyon.
Batay sa mga tala ng estado ng Delaware, itinatag lamang ang AMMY INC. noong Hunyo 2024, at ang nakarehistrong pangulo nito ay si Atty. Casiño, isang New York-based lawyer na umano’y kasapi rin ng Upsilon Sigma Phi, ang parehong fraternity ni Romualdez.
Parehong lagda ni Casiño ang nakita sa mga dokumento ng AMMY INC. at sa mga papeles ng Benguet Corporation, kung saan siya rin ay abogado.
Sinubukan ng Rappler na kunin ang panig ni Romualdez mula Oktubre 16 hanggang 21, sa pamamagitan ng email, telepono, at Viber, ngunit hindi ito tumugon.
Ayon sa 2025 property assessment ng Massachusetts, ang kabuuang halaga ng ari-arian ay $2.244 milyon (P130.5 milyon) — kung saan $971,500 (P56.5 milyon) ang halaga ng lupa at $1.268 milyon (P73.8 milyon) naman ang bahay.
Matatagpuan ang mansyon sa Dover, Norfolk County, isa sa mga pinakamayamang bayan sa Massachusetts. Batay sa datos ng U.S. Census Bureau, ang karaniwang taunang kita ng bawat sambahayan sa Dover ay $250,000 (P14.5 milyon), habang ang karaniwang halaga ng bahay sa lugar ay umaabot sa $1.74 milyon (P101 milyon), ayon sa property website na Zillow.
Hindi ito ang unang transaksyong pinasok ng dating Speaker ngayong taon. Noong Marso 2025, ibinenta ni Romualdez ang kanyang 20% na bahagi sa EEI Corporation sa pamamagitan ng isang management buyout na pinangunahan ng CEO nitong si Henry Antonio.
Pagsapit ng Oktubre, lumabas na ang EEI ay nakuha ang kumpanyang nagmamay-ari ng dating POGO hub na Island Cove sa Kawit, Cavite.
Ang paglipat ng ari-arian ay naganap sa gitna ng mga alegasyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Isang dating security consultant ni dating Rep. Zaldy Co, kaalyado ni Romualdez, ang nagbunyag na may mga maleta ng pera umanong idinadala sa mga bahay ng dating Speaker, kabilang ang sa Forbes Park, Makati , na naglalaman ng P48 milyon hanggang P50 milyon bawat isa.
Noong Setyembre 2025, nagbitiw sa puwesto si Romualdez bilang House Speaker, na sinabing ginawa niya ito “matapos ang malalim na pagninilay at panalangin,” upang bigyang-daan ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na maisagawa ang mandato nito “nang walang panghihimasok o impluwensya.”
Humarap siya sa unang pagdinig ng ICI noong Oktubre 14, kung saan iginiit niyang wala siyang itinatago.
Gayunman, humiling siya ng pagpapaliban sa ikalawang pagdinig na nakatakda sa Oktubre 22, dahil sa umano’y nakatakdang medical procedure.
Patuloy na binabantayan ng publiko ang isyu hinggil sa $1 na bentahan ng multimilyong dolyar na ari-arian ni Romualdez, na lalong nagpapainit sa mga tanong tungkol sa kanyang mga negosyo at kayamanan sa loob at labas ng bansa. (LIMUEL TOLENTINO)
