HINDI na gutom o kahirapan ang pangunahing kinatatakutan ng mga Pilipino, kundi ang talamak na korapsyon sa gobyerno, ayon sa pinakabagong Tugon ng Masa survey ng University of the Philippines–Octa Research Group.
Ayon sa ulat, 31 porsiyento ng mga adult Filipinos ngayon ang itinuturing ang korapsyon bilang isang “agarang pambansang isyu”, isang malaking pag-angat mula sa 13 porsiyento noong Hulyo 2025. Ibig sabihin, tumaas ng 18 puntos ang mga mamamayang bukas na nag-aalala sa katiwalian sa gobyerno.
Mula nang ibunyag ng Pangulo ang listahan ng Top 15 DPWH contractors na sangkot umano sa kickbacks, substandard, at ghost flood control projects, naging mas “hindi mapagpatawad” ang publiko, ayon sa OCTA.
Marami na ang nananawagan ng mabigat na parusa at pagkakakulong sa mga tiwaling opisyal, kontratista, at mambabatas na sangkot sa budget insertions at unprogrammed funds.
Tinukoy ng OCTA na ito ang kauna-unahang pagkakataon sa mga nakaraang taon na pumasok ang korapsyon sa Top 5 national concerns ng mga Pilipino, kasabay ng mga isyung pang-ekonomiya.
“This is the first time that corruption has entered the top five national concerns,” ayon sa OCTA. “The surge reflects a growing public demand for honesty and transparency in government.”
Ayon sa datos, nananatiling pinakamalaking pambansang alalahanin ang pagtaas ng presyo ng bilihin (48%), bahagyang bumaba mula 50 porsiyento noong Hulyo. Sinundan ito ng laban sa korapsyon (31%), murang pagkain (31%), pagtaas ng sahod (27%), at pagbawas ng kahirapan (23%).
Samantala, ang paglikha ng trabaho, na dati’y kabilang sa Top 5, ay bumagsak sa 19% mula sa 26% noong Hulyo. Ayon sa OCTA, maaaring indikasyon ito ng pagbuti ng employment conditions o pagtuon ng publiko sa usaping integridad ng pamahalaan.
Pinakamataas ang panawagan kontra korapsyon sa National Capital Region (53%), habang pinakamababa sa Mindanao (18%).
Mas mataas din ang pag-aalala sa katiwalian sa Class ABC (40%), kumpara sa Class D (31%) at Class E (24%).
Sa kabilang banda, ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay nananatiling pinakamalaking problema sa Mindanao (53%), habang ang murang pagkain ay pinakanangangailangan sa Balance Luzon (36%).
Ang pagtaas ng sahod ay pinakamatunog sa NCR (33%), Visayas (29%), at Balance Luzon (28%), habang ang pagbawas ng kahirapan ay pangunahing alalahanin ng Class E (28%) at mga nasa Balance Luzon (27%).
Bagama’t lumipat ang pambansang atensyon sa isyung korapsyon, nananatiling matatag ang personal na mga pangamba ng mga Pilipino.
Pinakamataas pa rin ang pagiging malusog at pag-iwas sa sakit (63%), kasunod ang pagkakaroon ng sapat na pagkain araw-araw (49%), edukasyon ng mga anak (49%), seguradong trabaho (46%), at pag-iwas sa krimen (38%).
“While national anxieties are shifting toward governance, everyday worries—health, food, and education—still define the lived reality of most Filipino families,” ayon sa OCTA.
Pinakamataas ang health concern sa Class ABC (80%), habang ang food security ay pinakapangunahing problema sa Mindanao (56%) at Visayas (55%).
Ipinapakita ng resulta ng survey na nagbabago ang direksyon ng pambansang kamalayan, mula sa simpleng pagkabahala sa presyo at trabaho tungo sa panawagan para sa tapat, transparent, at may pananagutang pamahalaan.
“Habang nananatiling pangunahing laban ang kabuhayan, malinaw na para sa mga Pilipino, ang laban kontra korapsyon ay laban din para sa kinabukasan,” pagtatapos ng OCTA.
