Inanunsyo ni Comelec Chairman George Garcia ang 31,000 resisgtrants sa unang araw ng 2026 BSKE at SRAP registration. (ARSENIO TAN)
UMABOT sa mahigit 31,000 bagong registrants ang naitala ng Commission on Elections (Comelec) sa unang araw ng voter registration para sa 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at sa muling paglulunsad ng Special Register Anywhere Program (SRAP), ayon kay Comelec Chairman George Garcia.
Batay sa datos ng Comelec, may kabuuang 31,899 rehistradong botante noong Oktubre 20 (Lunes) pa lamang, kabilang ang 1,257 mula sa Metro Manila.
Sa mga SRAP sites, nanguna ang Region IV-A (Calabarzon) na may 8,290 registrants, sinundan ng Region III (Central Luzon) na may 4,100, Region XII (SOCCSKSARGEN) na may 1,999, at Region XI (Davao Region) na may 1,867 bagong rehistrado.
Ayon kay Garcia, tatagal ng pitong buwan ang voters’ registration at magtatapos sa Mayo 18, 2026.
Target ng Comelec na makapagtala ng 1.4 milyong bagong botante sa buong bansa sa pagtatapos ng registration period. (ARSENIO TAN)
