Ang 520th Air Base Group, katuwang ang Newport World Resorts, Hilton Manila, at Newport City Employee Association, ay nagsagawa ng cleanup drive bilang pagdiriwang ng International Coastal Cleanup Day 2025 sa Las Piñas–Parañaque Wetland Park.
Ang Las Piñas–Parañaque Critical Habitat and Ecotourism Area (LPPCHEA), o mas kilala bilang Las Piñas–Parañaque Wetland Park, ay isang protektadong lugar sa baybayin ng Metro Manila na tanyag dahil sa mayamang biodiversity nito.
Dito matatagpuan ang iba’t ibang uri ng halaman at hayop, kabilang na ang mga migratory birds na dumaraan taon-taon upang magpahinga at maghanap ng pagkain. Mahalaga rin ang mga bakawan (mangroves) sa lugar bilang likas na harang laban sa pagbaha at bilang tagasagip ng mga basurang dinadala ng tubig-dagat.

Sa pamamagitan ng gawaing pangkalikasan na ito, muling ipinakita ng mga kalahok ang kanilang pangako sa pangangalaga ng kalikasan at pagpapalaganap ng likas na yaman ng bansa.
Ang pakikibahagi ng mga pribadong sektor at komunidad ay patunay na sa tulong ng kooperasyon at mamamayan, mas magiging matagumpay ang adhikain ng pagpapanatili ng malinis at ligtas na kapaligiran para sa susunod na henerasyon. (MINA PADERNA)
