SWAK sa kulungan ang dalawang ginang, kabilang ang isang itinuturing High Value Target (HVT) matapos makuhanan ng halos P.2 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan CPS ang buy bust operation kontra sa HVT na si alyas “Judy”, 42, ng , ng Brgy. Gen T De Leon, Valerzuela City.
Dakong alas-ala-1:42 ng madaling araw nang makipagtransaksyon umano ang suspek ng P4,500 halaga ng shabu sa isang pulis na nagpanggap na buyer na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya sa Libis Road, Brgy. 160.
Nakuha sa suspek ang humigi’t kumulang 25 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P170,000, at buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at apat na P1,000 boodle money.
Samantala, natiyempuhan naman ng mga tauhan ni Col. Goforth na nagsasagawa ng anti-criminality patrol sa Brgy. 173, ang dalawang indibidwal na nag-aabutan umano ng droga subalit, nagawang makatakas ng lalaki habang naaresto ang kanyang katransaksyon.
Nakumpiska sa 39-anyos na bebot ang isang plastic sachet na naglalaman ng nasa 1.2 grams ng umano’y shabu na may katumbas na halagang P8,160.00.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
