Pinaigting ng mga awtoridad ngayong Miyerkules, Enero 21, ang search and rescue operations para sa labinlimang indibidwal na nananatiling nawawala matapos tumaob ang isang motorbanca sa karagatang sakop ng Davao Gulf.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), kabilang sa mga pinaghahanap ang labindalawang pasahero at tatlong crew members ng MBCA Amejara.
Sa kasalukuyan, isa pa lamang ang kumpirmadong nailigtas na kinilalang si Christopher Bulig, isang crew member na natagpuan ng mga tauhan ng PCG nitong Martes ng umaga sa paligid ng Barangay Laker, Sarangani.
Batay sa impormasyon mula sa Coast Guard District Southeastern Mindanao, huling namataan ang recreational vessel na MBCA Amejara noong Lunes nang umalis ito sa Sta. Ana Wharf sa Davao City patungong Governor Generoso, Davao Oriental bago ito iniulat na nawawala.
Siniguro naman ni Commodore Philipps Soria, District Commander ng Coast Guard District Southeastern Mindanao, na dodoblehin ng kanilang search and rescue team ang pagsisikap upang mahanap ang mga nawawalang biktima.
Sa ngayon, kabuuang labing-apat na floating assets at isang aircraft na ang ipinadala ng pamahalaan upang magsagawa ng malawakang operasyon sa karagatan.
Naglabas na rin ng paunawa ang PCG sa lahat ng mga mandaragat na maging mapagmatyag sa mga bahagi ng Malita, Sta. Maria, Don Marcelino, Balut Island, Sarangani Island, Jose Abad Santos, at Governor Generoso.
Pinapayuhan ang sinumang makakakita sa nawawalang motorbanca na agad magbigay ng tulong kung kakayanin at ipagbigay-alam ito sa pinakamalapit na yunit ng Coast Guard upang mabilis na marespondehan ang sitwasyon. (LIMUEL TOLENTINO)
