Sentensyadong mabulok sa bilangguan si Tetsuya Yamagami, 45, matapos hatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng Nara District Court ngayong Miyerkules, Enero 21.
Ang desisyong ito ay lumabas tatlo at kalahating taon matapos ang asasinasyong gumimbal sa buong mundo noong 2022, kung saan binaril ni Yamagami ang dating Prime Minister ng Japan na si Shinzo Abe gamit ang isang improvised na baril habang ito ay nagtatalumpati sa lungsod ng Nara.
Sa pagbasa ng sakdal, tinawag ni Judge Shinichi Tanaka na karumaldumal o “despicable” ang krimen dahil sa malisyosong paggamit ng armas sa gitna ng maraming tao, na nagdulot ng malaking panganib sa publiko.
Sa kabila ng pag-amin ni Yamagami sa pagpatay, naging mainit ang debate sa pagitan ng magkabilang panig hinggil sa bigat ng parusa.
Humiling ang prosekusyon ng habambuhay na pagkabilanggo dahil ang insidente ay itinuturing na walang katulad sa kasaysayan ng Japan pagkatapos ng digmaan.
Sa kabilang banda, nakiusap ang panig ng depensa para sa mas mababang parusa na hindi hihigit sa 20 taon sa katwirang ang galit ng suspek ay nag-ugat sa personal na trahedya ng kaniyang pamilya dahil sa Unification Church.
Ayon kay Yamagami, naubos ang yaman ng kanilang pamilya dahil sa malalaking donasyon ng kaniyang ina sa naturang sekta, at pinuntirya niya si Abe dahil sa paniniwalang may malalim na koneksyon ang lider sa nasabing grupo.
Ang kontrobersyang ito ay nag-iwan ng malalim na lamat sa tiwala ng publiko sa ruling Liberal Democratic Party (LDP) matapos malaman na marami sa kanilang mambabatas ang may transaksyon sa organisasyon.
Ang pagkawala ni Abe, na pinakamatagal na nagsilbing lider ng bansa, ay nag-iwan ng malaking bakante sa politika na kasalukuyang pinamumunuan ng kaniyang protégé na si Sanae Takaichi.
Bagama’t nahahati ang opinyon ng publiko sa pagitan ng death penalty at life imprisonment, nananatiling pinal ang hatol ng korte habang pinag-iisipan pa ng kampo ni Yamagami kung iaakyat nila ang kaso sa mas mataas na hukuman para sa isang apela. (Limuel Tolentino)
