April 27, 2024

EUMIR FELIX MARCIAL, PANALO TALAGA SA LABAN, WALANG LUTO-LUTO!

Binabati natin si Eumir Felix Marcial sa kanyang pagkapanalo sa laban. Kahit pinakaba ng Tokyo Olympics medalist ang madla, nakasilat pa siya. Katunayan, tatlong beses siyang bumagsak.

Pero, hindi nagpatinag si Marcial at nilabanan pa rin si Isiah Hart. Dinispatsa nito si Hart sa Round 4. Itinigil ng referee ang laban dahil groggy na ang kalaban. Ayon sa iba, unfair daw ito kay Hart. Kaya, nagreklamo ang kanyang kampo.


Sa ganang atin, panalo talaga si Eumir. Kahit 3 beses siyang napatumba, nakakatayo agad siya. Ibig sabihin, kaya niya ang suntok ni Hart. Natutumba lang siya marahil sa ‘suntok gulat’.
Nasanay kasi si Marcial sa amateur bout gaya ng upak niya sa olympics. Kaya, paspasan agad ang upak. Medyo careless siya sa depensa, walang jab at footwork. Kaya easy target. Pero, naka-survive pa rin ang ating pambato. Siya pa ang mas agresibo kaysa kay Hart.


Ngunit, nang maramdaman ni Hart ang suntok ni Marcial, ininda nito. Katunayan, hindi na ito sumusuntok. Kaysa sa lalo pang mapinsala ng malakas na suntok ng Pinoy, itinigil na ng referee ang laban.


Tama ba ang referee? Tama. Ika nga ni Juan Manuel Marquez, hindi basehan kung ilang beses kang bumagsak. Ang mahalaga, nakatindig ka at lumalaban. Kaya, nakakuha ito ng draw kay Manny Pacquiao sa una nilang laban.


Alam natin batid na ni Eumir ang kanyang kahinaan. Mapapaigi niya pa ito sa mga susunod na laban sa lona.