Nahaharap sa matinding batikos si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso matapos ulanin ng reklamo ang kumpas ng lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng dambuhalang pagtaas sa garbage collection fees sa lungsod.
Kasabay ng galit ng mga negosyante, lumutang din ang mga katanungan tungkol sa transparency at posibleng conflict of interest matapos lumabas ang mga ulat at larawan na nag-uugnay sa alkalde sa isang pribadong garbage contractor.
Naging mitsa ng kontrobersya ang City Ordinance No. 9151 na nilagdaan ni Moreno noong Disyembre 2025. Sa ilalim nito, tumalon ang singil sa basura para sa mga negosyo—na ayon sa ilang ulat ay umabot ng hanggang 1,200 porsyento ang itinaas.
Isang halimbawa ang maliit na optical clinic na dating nagbabayad lamang ng P1,000, ngunit ngayon ay sinisingil na umano ng P12,000.
Reklamo ng mga Small and Medium Enterprises (SMEs), mas mahal pa ang singil sa basura kaysa sa mismong business permit, na nagiging pabigat sa gitna ng hirap ng ekonomiya.
Lalong uminit ang isyu nang kumalat sa social media ang mga larawan ni Mayor Isko kasama si Nathaniel “Nel” Velasco, ang may-ari ng Leonel Waste Management, na isa sa mga pangunahing contractor sa lungsod.
Binansagan ng mga kritiko ang dalawa na “travel buddies” matapos mabalitang nagkasama sila sa isang luxury vacation.
Dahil dito, kinuwestiyon ng mga netizens kung ang ugnayang ito ba ang naging basehan sa pagpili ng contractor o sa pag-apruba ng bagong taripa.
Todo-depensa naman ang mga opisyal ng Maynila. Ayon kay City Treasurer Atty. Paul Vega, huling nagkaroon ng adjustment sa singil noong 2013 pa, kaya hindi na umano sapat ang lumang rate para sa dami ng basurang hinahakot ngayon.
Iginiit din ng lokal na pamahalaan na ang taas-singil ay para lamang sa mga business establishments at hindi damay ang mga residential households at dumaan sa tamang bidding at regulatory review ang lahat ng kontrata upang maiwasan ang paboritismo.
Dagdag pa nito, tumaas ang gastos sa pagtatapon dahil inilipat ang tapunan ng basura sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal.
Sa kabila ng mga paliwanag, nananatiling mataas ang tensyon sa pagitan ng mga negosyante at ng City Hall.
Para kay Mayor Isko, ang isyung ito ay nagsisilbing malaking pagsubok sa kanyang administrasyon—kung paano mapapanatili ang tiwala ng publiko habang pilit na isinasaayos ang sistema ng basura sa kabisera.
