Magandang balita para sa mga kumukuha ng Nursing at Allied Health Sciences! Kinumpirma ni Senador Bam Aquino na may nakalaang P500 milyong financial aid sa ilalim ng 2026 national budget para matulungan ang mga estudyante sa kanilang Related Learning Experience (RLE).
Ang anunsyong ito ay ginawa ng senador sa isang reunion kasama ang mga nursing students sa Cebu City—ang parehong grupo na nakaharap niya noong kampanya para sa 2025 elections kung saan unang idinaing ang mabigat na bayarin sa paaralan.
Ang RLE ay nagsisilbing on-the-job training (OJT) na requirement para makapagtapos ang isang nursing student, ngunit madalas itong inirereklamo dahil sa taas ng bayarin.
Dahil sa inisyatiba ni Aquino, naisama ang P500 milyon sa budget ng Higher Education Development Program.
Sa ilalim ng programang ito, ang bawat kwalipikadong estudyante ay maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 kada semestre.
“Naisama natin sa budget ang P500-million scholarship partikular para sa RLE… Sa tingin ko may humigit-kumulang 100,000 nursing students sa Pilipinas, kaya ang isang kinto (1/5) sa kanila ay makakatanggap ng tulong,” pahayag ni Sen. Bam Aquino.
Inaasahang maglalabas ang Commission on Higher Education (CHED) ng mga panuntunan o guidelines para sa maayos at patas na pamamahagi ng naturang pondo. Layunin nito na matiyak na ang mga karapat-dapat na estudyante ang makikinabang sa scholarship.
Ayon sa senador, ang hakbang na ito ay bahagi ng kanyang pangako na bawasan ang pasanin ng mga pamilyang Pilipino pagdating sa edukasyon, lalo na sa sektor ng kalusugan na kailangang-kailangan ng bansa.
