Naglabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) Region 4A laban sa isang traffic enforcer na umano’y nagtatago sa likod ng poste habang nagsasagawa ng operasyon, matapos kumalat sa social media ang larawan ng insidente.
Sa pahayag nitong Sabado, sinabi ng LTO na agad silang nagsagawa ng imbestigasyon laban sa nasabing enforcer dahil sa posibleng “conduct prejudicial to the best interest of the service.” Nag-ugat ang usapin sa isang spot report mula sa LTO Taytay Extension Office sa Rizal at sa viral na litrato ng tauhan, na hindi muna pinangalanan.
Batay sa ulat, nagsasagawa ng enforcement operation ang mga tauhan ng LTO sa Kaytikling Road bandang 7:30 ng umaga noong Enero 17 nang mapansin na ang isa sa mga enforcer ay nakatayo sa tabi ng isang malaking poste sa gilid ng kalsada.
“Napansin na ang isang LTO personnel ay nakapwesto sa tabi ng malaking poste, na umani ng atensyon ng publiko at nagbunsod ng diskusyon online hinggil sa tamang asal sa pagpapatupad ng batas-trapiko,” ayon sa ulat.
Dagdag pa rito, ang naturang pwesto ay itinuring ng ilan na hindi alinsunod sa itinatakdang enforcement protocols, at maaaring paglihis sa tamang pamamaraan ng operasyon, dahilan upang magdulot ng pag-aalala at panawagan ng paglilinaw sa pagsunod sa standard operating procedures.
Isang netizen umano ang kumuha ng litrato kung saan makikitang tila nagtatago sa likod ng konkretong poste ang enforcer, na ayon sa mga komento online ay para umano biglaang hulihin ang mga dumaraang motorista na lumalabag sa batas-trapiko.
Inatasan ng LTO ang nasabing personnel na magsumite ng sinumpaang paliwanag sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng SCO. Kapag nabigong magpaliwanag, maaari siyang harapin ang posibleng kasong administratibo.
“Hindi namin kinukunsinti ang anumang kilos na maaaring magdulot ng maling impresyon sa publiko. Inaasahan sa mga tauhan ng LTO ang propesyonalismo, integridad, at mahigpit na pagsunod sa itinakdang alituntunin sa pagpapatupad ng batas-trapiko,” pahayag ni LTO-Calabarzon Director Elmer Decena sa Filipino. (Arnold Pajaron Jr)
