Tinapos ng American tennis player na si Alycia Parks ang pangarap ni Alex Eala sa women’s singles ng 2026 Australian Open matapos ang isang “heartbreaking” na three-set match nitong Lunes, Enero 19, sa Court 6 ng Melbourne Park.
Sa kabila ng mainit na suporta mula sa mga Pilipinong tagahanga na dumagsa sa venue, kinapos ang 20-anyos na Pinay sensation sa iskor na 0-6, 6-3, 6-2, pabor kay Parks.
Maagang nagpakitang-gilas si Eala, na kasalukuyang World No. 49, matapos niyang “i-sweep” ang unang set, 6-0.
Sa loob lamang ng ilang minuto, nabaon niya sa triple break ang 25-anyos na si Parks (World No. 99) sa pamamagitan ng agresibong mga palo at matinding depensa.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang American power-hitter. Nagawang baligtarin ni Parks ang momentum sa ikalawang set sa pamamagitan ng malalakas na serve upang pilitin ang isang deciding third set.
Matapos ang halos dalawang oras na bakbakan, tuluyang nakuha ni Parks ang tagumpay matapos ang isang backhand forced error mula kay Eala sa huling bahagi ng laban. Susunod na makakalaban ni Parks ang mananalo sa pagitan nina Karolina Muchova at Jaqueline Cristian.
Bagama’t laglag na sa singles, hindi pa tapos ang laban para sa Pinay pride sa Melbourne. Sasabak pa si Eala sa doubles category kasama ang Brazilian partner na si Ingrid Martins. Haharapin nila ang pambato ng Japan na si Shuko Aoyama at Magda Linette ng Poland.
Matapos ang kanyang kampanya sa Australia, nakatakdang bumalik sa bansa si Eala para sa prestihiyosong Philippine Women’s Open ngayong huling bahagi ng Enero, kung saan siya ay lalaro bilang isang wildcard entry. (RON TOLENTINO)
