TAHASANG nagbabala si Mayor Maan Teodoro nitong Lunes, Enero 19, 2026, sa mga kawani ng pamahalaang lungsod laban sa hindi magandang pakikitungo sa publiko sa gitna ng dagsa ng mga taxpayer at business owners ngayong simula ng taon.
Ang babala ay nag-ugat sa mga natanggap na reklamo ng alkalde hinggil sa ilang empleyado na naging “masungit” umano sa mga mamamayang nagbabayad ng real property taxes (RPT) at nag-a-apply para sa business permits.
Sa ginanap na Flag Raising Ceremony sa City Hall, hindi itinago ni Mayor Maan ang kanyang pagkadismaya sa mga ulat ng discourtesy sa gitna ng mahabang pila at bugso ng mga transaksyon mula pa noong Disyembre.
“Dismayado po ako at medyo naiinis. Hindi po ito katanggap-tanggap, at hindi ito ang serbisyong ipinagmamalaki ng Marikina,” pahayag ng alkalde.
Binigyang-diin niya na ang core value ng lungsod ay ang “Alagang Marikina” na dapat ay kakikitaan ng malasakit at respeto kahit sa ilalim ng pressure ng trabaho.
“Sa pag-aalaga, walang puwang ang nakakunot na noo, nakataas na kilay, o bibig na nakasimangot. Pagod man tayo o marami ang kausap, respeto at malasakit pa rin ang dapat nangingibabaw. Always remember: smile!” dagdag pa niya.
Kasabay nito, naglabas ng direktiba ang alkalde sa mga departamentong humahawak ng reklamo, partikular na ang Marikina e-Concern, na siguraduhing may mabilis at malinaw na aksyon sa bawat hiling ng residente.
Inutusan niya ang mga kawani na huwag gawing “basketball” ang mga request ng mamamayan at dapat ay may tamang update sa bawat reklamo upang hindi ito maging negatibong repleksyon ng buong departamento.
Pinayuhan niya rin ang mga opisyal na dumiretso sa kanya kung kinakailangan upang mas mabilis na matugunan ang mga seryosong concern.
Sa kabilang banda, pinasalamatan naman ni Mayor Maan ang inter-agency task force para sa pananatili ng kaayusan at kalinisan sa Marcos Highway.
Gayunpaman, binigyang-diin niya na dapat itong maging tuloy-tuloy at hindi panandalian lamang.
“Bawal ang ningas kugon sa Marikina,” aniya.
Inatasan niya ang mga kaukulang departamento na paigtingin pa ang disiplina sa kalsada, kabilang ang kampanya laban sa illegal parking, hindi lamang sa mga main road kundi hanggang sa mga looban ng mga komunidad. (ARNOLD PAJARON JR)
