BAGSAK sa kulungan ang apat na kalalakihan nang maaktuhan ng pulisya na naglalaro ng iligal na sugal at makuhanan pa ng shabu ang dalawa sa kanila sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat ng Ugong Police Sub-Station (SS8) kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, habang nagsasagawa sila ng Anti-Criminality Operation (Oplan Galugad) sa Bagong Sibol St., Purok 4, Brgy., Mapulang Lupa nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na abala umano sa pagsusugal ng cara y cruz dakong alas-9:35 ng gabi.
Nilapitan nila ang mga ito sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto kung saan nasamsam sa dalawa ang perang gamit sa pantaya at pangara habang ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ay nakuha kay alyas “Vincent”, 29, residente sa naturang barangay.
Nauna rito, alas-7:45 ng gabi nang matimbog naman ng mga tauhan ng Marulas Police Sub-Station 3 ang dalawang lalaki kabilang ang 48-anyos na security guard na nagka-cara y cruz sa Phase 2, La Huerta Subdivision, Brgy. Marulas.
Nakumpiska sa kanila ang bet money at gamit na pangara habang ang isang plastic sachet ng umano’y shabu ay nasamsam kay alyas “Junel”, 25, ng Brgy., Marulas. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang kakaharapin pa ni ‘Junel’ at ‘Vincent’. (JUVY LUCERO)
