Kinilala ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang dedikasyon ni Coach at dating mambabatas na si Yeng Guiao matapos niyang ipanalo ang makasaysayang kaso sa Supreme Court na magbibigay ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa Philippine Sports Commission (PSC).
Iginawad kay Guiao ang PSA President’s Award nitong Lunes ng gabi sa Diamond Hotel bilang pasasalamat sa kanyang inisyatibo noong siya ay kinatawan pa ng Pampanga. Sa ilalim ng paborableng desisyon ng korte noong nakaraang taon, makukuha na ng PSC ang buong limang porsyento (5%) na bahagi nito mula sa kita ng PAGCOR at PCSO—isang bagay na kalahati lamang ang naibibigay sa loob ng maraming dekada.
Ayon kay Guiao, tinatayang aabot sa P37 bilyon ang maiipong pondo mula sa mga nakaraang taon, at inaasahang tataas ang buwanang pondo ng PSC mula P180 milyon patungong halos P500 milyon.
“Sana po dumami pa ang Caloy Yulo. Dumami pa ang Hidilyn Diaz. Dumami pa ang mga Alex Eala. Dumami pa ang mga EJ Obiena. And I will be happy and satisfied that we’ve had a small part in that,” pahayag ni Guiao sa kanyang talumpati.
Para sa batikang coach, ang pagsampa ng kaso ay ang kanyang paraan ng “paying it forward” o pagbabalik ng biyaya sa larangan ng sports na nagbigay sa kanya at sa kanyang pamilya ng magandang buhay.
Inihayag niya na ang tagumpay na ito ay hindi para sa kanyang sariling karangalan kundi para sa mga susunod na lider at atletang Pilipino. Binigyang-diin niya na kahit makalimutan man ang kanyang pangalan sa hinaharap, ang mahalaga ay nakapaglingkod siya at nabigyan ng mas malaking pagkakataon ang mga atletang Pinoy na magtagumpay.
Sa harap ng mga sports leaders at manunulat, hinimok ni Guiao ang lahat na gumawa ng pagkakaiba sa sarili nilang paraan. “Gawin nating mas maganda ang buhay para sa mga susunod sa inyo. Bigyan natin ang mga atleta ng mas malaking tsansa na magtagumpay,” dagdag pa niya.
Kasama ni Guiao na tumanggap ng parangal sa entablado ang mga katuwang niya sa nasabing kaso na sina Atty. Jun Guzman at dating chief of staff Mon Navarra. (Ron Tolentino)
