Nagpahayag ng “strong exception” o matinding pagtutol ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa naging pahayag ng Chinese Embassy na nagbabala tungkol sa posibleng pagkawala ng milyun-milyong trabaho sa gitna ng umiinit na diplomatikong girian ng dalawang bansa.
Sa pahayag na inilabas noong gabi ng Lunes, Pebrero 16, binatikos ng DFA ang tono ng embahada na anila ay tila nagpapahiwatig ng pananakot o “coercion.”
Nagsimula ang palitan ng salita matapos imungkahi ng ilang senador na pauwiin o i-recall na ang Chinese Ambassador sa Pilipinas dahil sa sunod-sunod na maritime confrontations sa South China Sea.
Tugon naman ng Chinese Embassy noong nakaraang linggo, anumang malalang pinsala sa relasyon ng dalawang bansa ay magdudulot ng pagkawala ng milyun-milyong trabaho.
Ayon sa DFA, ang ganitong klaseng pananalita ay maaaring ituring na anyo ng panggigipit o paghihiganti.
“Sa kasalukuyang atmospera, ang ganitong pagbalangkas ay nanganganib na makita bilang mapang-api (coercive) at sumisira sa konstruktibong diyalogo ng dalawang bansa,” anang DFA.
Nanawagan din ang kagawaran sa mga diplomat ng China na maging “responsable at mahinahon” sa kanilang mga pampublikong pahayag.
Patuloy ang girian ng dalawang bansa dahil sa mga agresibong aksyon ng China sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kabilang dito ang mapanganib na maniobra ng mga barkong China, paggamit ng water cannon laban sa mga barko ng Pilipinas at pagharang sa mga resupply missions sa West Philippine Sea.
Iginiit naman ng China na ang Pilipinas ang siyang “pumapasok” sa teritoryong inaangkin nila, sa kabila ng 2016 Arbitral Ruling na nagpawalang-bisa sa nine-dash line ng Beijing.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang Chinese Embassy sa pahayag ng DFA, lalo na’t holiday ngayong Martes, Pebrero 17, para sa Lunar New Year sa parehong bansa.
