Rehas na bakal ang kinasadlakan ng isang 28-anyos na tomboy matapos itong arestuhin ng mga awtoridad dahil sa matinding pananakit sa tatlong taong gulang na anak ng kanyang mismong kinakasama sa Barangay Western Bicutan, Lungsod ng Taguig, nitong Lunes, Mayo 18.
Kinilala ng Taguig City Police Station ang suspek na si alyas Carla, walang trabaho at residente ng Sitio Buyo sa naturang barangay.
Ayon sa ulat ng pulisya, napag-alamang dyowa o partner ng suspek ang ina ng biktimang itinago sa pangalang “Zack.”
Batay sa imbestigasyon ng Women and Children Protection Desk (WCPD), nag-ugat ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling araw nang magkaroon ng matinding pagtatalo ang nakainom na suspek at ang ina ng bata.
BASAHIN: ‘Wanted Bato’ posters, ikinalat ng Akbayan Youth sa Quezon City
Bagama’t naawat ng mga kapitbahay ang kanilang gulo, hindi pa rin humupa ang galit ng suspek.
Pumasok umano si Molina sa loob ng bahay at doon ibinaling ang poot sa walang kamalay-malay na bata.
Ilang beses nitong sinaktan ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nagresulta sa mga pasa at physical injuries.
Ang naturang pananakit ay nakunan ng video ng isang concerned citizen, na mabilis ding kumalat sa social media at naisumbong sa mga opisyal ng barangay.
Agad namang nailigtas ang bata at dinala sa Taguig Pateros District Hospital para sa pagsusuri at lunas.
Samantala, bandang alas-3:00 ng hapon ay tuluyang nadakip si Molina sa follow-up operation ng mga tauhan ng Police Sub-Station 2.
Kasalukuyan nang inihahanda ng mga awtoridad ang kasong paglabag sa Republic Act 7610 o “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act” (Physical Abuse) laban sa suspek para sa Inquest Proceedings sa City Prosecutor’s Office ng Taguig.
Samantala, pinuri ni SPD District Director PBGen. Glenn Oliver Cinco ang mabilis na aksyon ng Taguig CPS. Nagbabala rin si PBGEN Cinco na magiging agresibo ang SPD sa pagtugon at pag-usig sa mga kaso ng karahasan laban sa mga bata upang matiyak na mapaparusahan ang mga mapang-abuso.
“Hindi tayo magdadalawang-isip na kumilos laban sa sinumang mananakit ng bata. Mabilis nating tutugunan ang ganitong uri ng insidente upang mapanagot ang mga responsable at maprotektahan ang kapakanan ng ating mga kabataan,” aniya.
