Photo by ART TORRES
Nagkasa ng sorpresang kilos-protesta ang mga miyembro ng grupong Akbayan Youth sa pamamagitan ng pagdidikit ng mga naglalakihang “Wanted Bato” posters sa iba’t ibang estratehikong lugar sa lungsod na ito ngayong Lunes, Mayo 18.
Isinagawa ng grupo ang malawakang pagdidikit ng posters bilang bahagi ng kanilang pinalakas na panawagan para sa pananagutan laban kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.
Sumiklab ang aksyon kasunod ng ulat ukol sa inisyung arrest warrant ng International Criminal Court (ICC) laban sa mambabatas, bukod pa sa mga huling kontrobersiyang kinasangkutan nito sa loob ng Senado na nagdulot ng gulo kamakailan.
Ayon sa Akbayan Youth, layunin ng kanilang aktibidad na paalalahanan ang publiko na hindi dapat matakasan ng senador ang mga seryosong akusasyon at imbestigasyon hinggil sa kaniyang naging papel sa madugong “War on Drugs” noong siya pa ang pinuno ng Philippine National Police (PNP).
Giit ng grupo, ang kaguluhang nangyari sa loob ng Senado at ang pag-iwas sa hustisya ay nagpapakita lamang ng kawalan ng respeto sa mga institusyon ng batas, kaya nararapat lamang na harapin ng mambabatas ang mga otoridad at panagutan ang kaniyang mga naging aksyon sa harap ng pandaigdigang korte.
