Photo by ART TORRES
Pormal nang inilunsad ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang makabagong digital platform na “QCitizen Data: Resibo ng Serbisyo” sa isang press conference ngayong Lunes, Mayo 18, 2026.
Ang paglulunsad ay bahagi ng pakikiisa ng lokal na pamahalaan sa pagdiriwang ng Open Government Week 2026.
Layunin ng bagong digital platform na lalong patatagin ang transparency, accountability, at citizen engagement sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa mga mamamayan na masubaybayan ang takbo ng pamamahala.
BASAHIN: PISTON kinalampag LTFRB para ipilit ang hirit na taas-pasahe dahil sa mahal na krudo
Sa pamamagitan ng platapormang ito, maaari nang makita ng mga residente sa real-time ang estado ng mga pampublikong serbisyo at mga ginagawang infrastructure projects sa buong Quezon City.
Ayon kay Mayor Belmonte, ang hakbang na ito ay patunay na ang pondo at serbisyo ng lungsod ay bukas sa busisi ng publiko at direktang napakikinabangan ng mga “QCitizens.”
Sa pamamagitan ng bukas na datos, mas madali na para sa mga mamamayan na magbigay ng puna, mag-ulat ng mga aberya, at makatiyak na ang bawat pisong buwis ay may katumbas na “resibo” sa anyo ng de-kalidad na proyekto at tapat na paglilingkod.
