Photo credit: Liquipedia
Matapos ang dikitang labanan, matagumpay na nakuha ng Fil-Am Grandmaster na si Wesley So ang ika-anim na puwesto sa 19th FIDE World Blitz Championship na ginanap sa Doha, Qatar nitong Martes, Disyembre 30 (Miyerkules sa Maynila).
Tinapos ni So ang torneo sa pamamagitan ng pagdaig kay Indian GM M. Pradesh sa ika-19 at huling round. Bagama’t nakalikom ng 13 puntos at kabilang sa anim na manlalarong nagtabla para sa huling puwesto sa semifinals, kinapos ang tubong Bacoor, Cavite sa tiebreak points. Napunta ang ika-apat na playoff slot kay GM Nodirbek Abdusattorov, habang ang ika-limang puwesto naman ay nasungkit ni Maxime Vachier-Lagrave.
Nanatiling hari ng ahedres si Magnus Carlsen matapos niyang walisin ang parehong Rapid at Blitz titles ngayong taon. Tinalo ng world No. 1 si Abdusattorov sa finals, 2.5-1.5, upang iuwi ang premyong 70,000 pounds (mahigit P5.55 milyon).
Bago ang finals, pinatalsik ni Carlsen si Fabiano Caruana sa semifinals, habang ginapi naman ni Abdusattorov ang top qualifier na si GM Arjun Erigaisi.
Hindi naging madali ang simula para kay So. Matapos ang draw laban kay GM Andrei Volokitin, laking gulat ng marami nang matalo siya kay International Master Samir Sahidi sa maagang bahagi ng kompetisyon.
Gayunpaman, muling bumawi ang three-time US champion sa pamamagitan ng sunod-sunod na panalo laban kina GM Maksim Tsaruk, GM Denis Kadric, GM Nikita Petrov, IM Krishna Goutham at GM Rauf Mamedov
Nagkaroon din siya ng mahalagang draws laban sa mga higante ng chess tulad nina R. Praggnanandhaa at Alexander Grischuk. Pagsapit ng huling gabi, bahagyang bumagal ang momentum ni So dahil sa limang sunod-sunod na draws laban kina Daniil Dubov, Caruana, at Jan-Krzysztof Duda bago ang kanyang krusyal na panalo sa huling round.
Sa kabila ng hindi pagpasok sa podium, mag-uuwi pa rin si So ng 20,000 pounds (halos P1.6 milyon) para sa kanyang blitz performance. Ito ay dagdag sa kanyang napanalunang 13,000 pounds (mahigit P1 milyon) mula sa Rapid competition noong mga nakaraang araw. (RON TOLENTINO)
