Walang puwang sa hudikatura ang mga kawaning bumabaluktot sa katarungan para sa sariling interes.
Ito ang binigyang-diin ng Korte Suprema sa desisyong sibakin sa serbisyo at tanggalan ng lisensya bilang abogado si Atty. Jurgens SJ. Milan, ang Clerk of Court V ng Regional Trial Court (RTC) Branch 63 sa La Trinidad, Benguet.
Sa 10-pahinang desisyon ng En Banc na inilabas noong huling bahagi ng Disyembre 2025, napatunayang nagkasala si Milan sa mga reklamong grave misconduct, dishonesty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Nagsimula ang kaso sa reklamo ni Shirley K. Tiwaken na inakusahan si Milan ng pag-abuso sa kanyang kapangyarihan bilang clerk of court at ex-officio sheriff.
Ayon sa imbestigasyon, hiningan ni Milan ang biktima ng P10,000 para umano sa ligtas na pagtatago ng tatlong titulo ng lupa. Sinundan pa ito ng serye ng pangongolekta na umabot sa P35,000 para sa “follow-up” ng kaso, at huling hiningan ng P25,000 matapos magsinungaling ang abogado na may desisyon na ang korte pabor sa biktima.
Bukod sa pera, nadiskubre rin ng mataas na hukuman na iligal na inilabas ni Milan ang mga orihinal na titulo ng lupa sa mga indibidwal na walang karapatang tumanggap nito, kabilang ang mga kamag-anak ng kalabang panig sa kaso.
Sadyang hindi rin itinala ni Milan ang mga transaksyong ito sa kanyang opisyal na ulat (sheriff’s return) upang pagtakpan ang kanyang ginawa.
Ginamit ng Korte Suprema ang bagong Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA) sa pagpataw ng parusa.
Dahil sa tindi ng mga paglabag, iniutos din ng korte ang pagbawi sa lahat ng kanyang benepisyo, maliban sa naipong leave credits, at ang permanenteng pagbabawal sa kanya na muling makapagtrabaho sa anumang sangay ng pamahalaan o korporasyong pag-aari ng estado.
“Ang mga kawani ng korte ay dapat maging huwaran ng katapatan. Hindi matatanggap ang ganitong uri ng katiwalian na sumisira sa tiwala ng publiko sa ating sistemang pangkatarungan,” pahayag ng Korte Suprema.
