Sinalubong ng Social Security System (SSS) ang taong 2026 nang may mas malakas na pangako sa paghahatid ng serbisyo sa pamamagitan ng pagpapatupad ng ikalawang tranche ng pension hike, paglulunsad ng bagong microloan program, at pagpapalawak ng mga sangay nito sa loob at labas ng bansa.
Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph Montes de Claro, layunin ng ahensya na higit pang paigtingin ang proteksyong panlipunan para sa mga manggagawang Pilipino at tiyakin na abot-kamay ang kanilang serbisyo nasaan man ang mga miyembro.
Sentro ng agenda ngayong taon ang pagpapatuloy ng SSS Pension Reform Program na nagsimula noong huling bahagi ng 2025. Sa darating na Setyembre 2026, inaasahang makatatanggap ng dagdag na benepisyo ang may 3.8 milyong pensioners ng 10% na dagdag para sa mga retirement at disability pensioners at 5% na dagdag para sa mga death o survivor pensioners.
Ang tatlong-taong programang ito ay idinisenyo upang itaas ang antas ng pamumuhay ng mga nakatatanda nang hindi nangangailangan ng dagdag na kontribusyon mula sa mga aktibong miyembro.
Upang protektahan ang mga miyembro mula sa mga mapagsamantalang nagpapautang o “loan sharks,” ilulunsad ng SSS ang isang Microloan Program ngayong unang bahagi ng 2026.
Interest Rate: 8% kada taon (o 0.67% kada buwan).
Terms: Maaring bayaran sa loob ng 15 hanggang 90 araw.
Layunin: Magbigay ng mabilis at murang pautang para sa mga kagyat na pangangailangang pinansyal.
Mananatili rin ang Emergency Loan Program hanggang Disyembre 2026 para sa mga miyembrong maaapektuhan ng mga kalamidad at sakuna.
Hindi lamang digital kundi pisikal ding palalawakin ng SSS ang kanilang “footprint” sa pamamagitan ng pagbubukas ng 10 bagong local branches sa Pilipinas.
Para naman sa ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs), magbubukas ng mga Foreign Representative Offices sa Madrid, Spain; San Francisco, USA; at Macau
Upang masiguro ang mabilis na pagproseso ng mga dokumento at matugunan ang reklamo ng mahahabang pila, inanunsyo ng SSS ang pagkuha ng humigit-kumulang 1,800 bagong personnel ngayong taon. Ang mga bagong kawani ay itatalaga sa mga frontline services at digital transformation initiatives ng ahensya.
“Inaasahan namin ang isang produktibong 2026 kung saan patuloy nating palalakasin ang ugnayan sa ating mga miyembro at sisiguraduhing walang manggagawang Pilipino ang maiiwan,” pagtatapos ni De Claro.
