Photo courtesy: Cainta MPS
Isang 32-anyos na lalaki ang mapalad na nakaligtas matapos umanong tamaan ng ligaw na bala sa gitna ng pagdiriwang ng pagsalubong sa Bagong Taon sa Barangay San Andres, Cainta.
Kinilala ng Cainta Municipal Police Station (MPS) ang biktima na si alyas “Mark,” residente ng No. 17 Landicho St., Felix Subdivision sa nasabing barangay.
Base sa paunang imbestigasyon, nagaganap ang insidente dakong 10:05 ng gabi noong Disyembre 31, 2025. Ayon sa ulat, nakaupo lamang ang biktima sa tapat ng kanilang tahanan nang bigla itong makaramdam ng sakit sa kanang bahagi ng kanyang katawan (right mid-section) matapos tamaan ng hinihinalang ligaw na bala.
Agad na dinala ang biktima sa Cainta Municipal Hospital upang malapatan ng lunas.
Dakong 4:15 ng madaling araw nitong Enero 1, 2026, nang makatanggap ng tawag ang Tactical Operations Center (TOC) ng Cainta MPS mula sa naturang ospital upang ipabatid ang kalagayan ng biktima. Agad namang rumesponde ang duty investigator upang beripikahin ang ulat.
Sa kabutihang palad, hindi bumaon ang bala at nagtamo lamang ng pasa (bruises) ang biktima sa kanyang katawan. Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung saan nanggaling ang bala at kung sino ang posibleng managot sa insidente. (Arnold Pajaron Jr)
