“We will truly enforce the law without fear or favor.”
Ito ang mariing babala ni PCol. Eleazar Barber Jr., Provincial Director ng PNP Rizal, sa mga kriminal at mga pasaway sa batas sa gitna ng pinaigting na kampanya ng pulisya sa buong lalawigan. Sa kanyang ulat nitong Abril 14, binigyang-diin ng opisyal na walang pipiliin at walang sasantuhin ang kapulisan sa pagpapatupad ng disiplina at seguridad.
Ang pahayag ay ginawa ni Barber matapos ilatag ang mga tagumpay ng Safe City Initiative, kung saan hindi lamang mga “hardened criminals” ang tinatarget kundi maging ang mga lumalabag sa mga lokal na ordinansa sa ilalim ng “zero-tolerance” policy ng probinsya.
Sa ilalim ng paninindigang ito, nakapagtala ang Rizal Police Provincial Office (RPPO) ng kabuuang 4,442 violators simula noong gabi ng Abril 8 hanggang madaling araw ng Abril 14, 2026.
Sa nasabing bilang, mahigit P2,699,750 na halaga ng multa ang nakolekta mula sa 1,741 na indibidwal na pinatawan ng danyos.
Nangunguna sa mga huli ang paglabag sa Drinking in Public at Smoking (1,224) at Traffic Code (1,198).
Mahigpit din ang naging pagbabantay sa Curfew na may 1,078 na huli, habang 2,701 naman ang binigyan ng babala at pinalaya.
Ayon kay Barber, ang pagpapatupad ng batas nang “without fear or favor” ay ang pinakamabisang paraan upang maibalik ang tiwala ng publiko at matiyak na ang bawat sulok ng Rizal ay ligtas para sa mga mamamayan.
Hindi rin pinalampas ng kapulisan ang mga mabibigat na krimen. Sa San Mateo, pito ang arestado sa anti-drug operations, kabilang ang isang 21-anyos na itinuturing na agresibong kriminal na may nauna nang mga kaso. Agaran din nilang naresolba ang mga insidente ng nakawan at pamamaril sa Rodriguez at Antipolo sa pamamagitan ng “intelligence-driven” na mga operasyon.
Kasama sa estratehiya ni Barber ang paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng drones at 24-hour CCTV monitoring upang masiguro na bawat paglabag sa mga pangunahing kalsada at komunidad ay agad na matutugunan.
Sa kabila ng mga aresto at operasyon, nanawagan si Barber sa mga Rizaleño na huwag matakot sa presensya ng mga pulis at checkpoints kung wala namang ginagawang masama. Aniya, ang mga hakbang na ito ay para sa ikabubuti at seguridad ng nakararami.
Nagpahayag din siya ng babala sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon sa social media na nagdudulot ng panic. Tiniyak ng opisyal na ang tanging layunin ng PNP Rizal ay ilagay sa likod ng rehas ang mga tunay na nagkakasala sa batas at linisin ang mga lansangan mula sa mga pasaway.
