Binigyang-diin ng Department of Transportation (DOTr) na magiging mahigpit ang paggamit ng GPS tracking at QR codes bilang pangunahing basehan sa pagbabayad sa mga tsuper at operator na lalahok sa muling pagbabalik ng Service Contracting Program (SCP) ngayong Abril 15, 2026.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, ipinaliwanag ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Lopez na ang teknolohiyang ito ang magsisilbing “digital logbook” upang matiyak na tumpak ang bilang ng kilometrong itinakbo ng bawat pampublikong sasakyan (PUV).
Sa ilalim ng programa, babayaran ng gobyerno ang mga tsuper ng P30 hanggang P100 kada kilometro, bukod pa sa kanilang regular na kita o subsidiya mula sa pamahalaan.
Hinimok ni Sec. Lopez ang mga operator na gumamit ng GPS devices upang masiguro ang mabilis na proseso ng bayad.
Ayon sa kalihim, ang mga yunit na may GPS ay maaaring makatanggap ng kanilang payout sa loob lamang ng tatlo hanggang limang araw dahil awtomatiko ang validation ng datos.
Nakipag-ugnayan na ang DOTr sa hindi bababa sa 20 GPS service providers upang i-cap ang renta ng device sa P500 kada buwan, na maaari ring sagutin ng pondo ng programa.
Ito ay tugon sa hinaing ng ilang transport groups gaya ng Manibela na nag-aalala sa dagdag na gastos para sa nasabing kagamitan.
Para naman sa mga operator na hindi agad makakapagkabit ng GPS, magsisilbing opsyon ang paggamit ng QR codes. I-iscan ng mga tsuper ang QR code upang mairehistro ang kanilang biyahe at ruta.
Gayunpaman, nagbabala ang DOTr na maaaring magtagal ang payout para sa mga gagamit ng QR code dahil sasailalim pa ito sa manual validation at counter-verification ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na digitalization plan ng administrasyong Marcos upang gawing transparent ang paggamit ng pondo ng bayan.
Sa pamamagitan ng GPS at QR codes, mas madaling ma-monitor ng DOTr at LTFRB kung sinusunod ng mga PUV ang kanilang itinakdang ruta at kung sapat ang serbisyong naibibigay sa tinatayang 15 milyong pasahero araw-araw.
Inaasahang sa pamamagitan ng mga teknolohiyang ito, maiiwasan ang mga “ghost trips” at masisigurong ang bawat pisong inilaan ng gobyerno ay direktang mapupunta sa mga tsuper na tunay na nagseserbisyo sa kalsada. (MINA PADERNA)
