PINANGUNAHAN nina Navotas City Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco, kasama si Municipality of Obando Mayor Leonardo Valeda at DENR Acting Secretary Atty. Juan Miguel Cuna, ang isinagawang press conference kung saan isa-isa nilang inilahad ang mga ginagawang hakbang upang malutas na ang nararanasang makapal at nakakasulasok na usok na nagmumula sa nasusunog na Navotas Sanitary Landfill. (JUVY LUCERO)
UPANG alamin ang mga wastong hakbang para masugpo na ng tuluyan ang mahigit limang araw ng sunog sa Navotas Sanitary Landfill, magsasagawa ng pagpupulong ang binuong Task Force ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas.
Kabilang sa binuong task force ang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bureau of Fire Protection (BFP) Department of Public Works and Highways (DPWH) at Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Navotas.
Sa ginawang pulong balitaan na pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco na dinaluhan din nina Municipality of Obando Mayor Leonardo Valeda at DENR Acting Secretary Atty. Juan Miguel Cuna, isa-isa nilang inilahad ang mga ginagawang hakbang upang malutas na ang nararanasang makapal at nakakasulasok na usok na nagmumula sa nasusunog na landfill.
Ayon kay Mayor Tiangco, sa ngayon ay tumutulong na ang iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan upang mabilis na matambakan ng buhangin ang mga nasusunog pang basura para hindi na makapasok ang oxygen na nagdudulot ng pagsiklab ng apoy.
Malawak pa aniyang masyado ang lugar na nasusunog sa mahigit 40-ektaryang isla na nasilip nila sa pinalipad na drone na may thermal camera, Miyerkules ng gabi, na ipinahiram sa kanila ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ngayong araw ng Huwebes ay personal na bibisita sa lugar si DENR Secretary Vince Dizon matapos magpadala ng dredging machine na makakatulong upang mapabilis ang pagtatambak ng filling materials sa nasusunog na landfill. (JUVY LUCERO)
