Nagpaulan muli ng mabibigat na paratang si Vice President Sara Duterte laban kay House Speaker Martin Romualdez, matapos niyang akusahan ito ng pagtanggap umano ng payola mula sa ilegal na “jueteng” operations, bukod pa sa kinukuwestiyong kickbacks mula sa mga ghost at substandard flood control projects.
Sa isang press conference sa Senado nitong Lunes, Setyembre 29, matapos ang budget deliberations para sa Office of the Vice President (OVP), sinabi ni Duterte na isang staffer ni Romualdez ang nagsilbing source ng impormasyon, na siya ring nagbunyag ng “pag-atake” sa confidential funds ng kanyang opisina.
“Hindi lang sa flood control, pati sa illegal gambling tumatanggap sila. Si Martin Romualdez. So hindi lang siya sa flood control,” giit ni Duterte.
Dagdag pa niya, maaaring hindi flood control projects lang ang pinagkukunan ng “basura” o payola na iniulat ni ex-Marine at whistleblower Orly Guteza, kundi marami pang ibang pinagkakakitaan mula sa corruption.
Naugnay ito sa mga naunang pahayag ni Guteza na si Romualdez at Ako Bicol Rep. Zaldy Co ay tumatanggap umano ng milyun-milyong kickbacks mula sa flood control projects.
Inilarawan pa niya na ang perang ito ay inilalagay sa mga mamahaling Rimowa suitcases at dinadala umano sa mga bahay ng mga mambabatas.
Mariin namang itinanggi nina Romualdez at Co ang naturang mga akusasyon.
