IGINIIT ni Senator JV Ejercito na hindi lahat ng amendments o insertions sa pambansang budget ay masama, dahil may ilan umano na nakapagpapahusay at nakadadagdag benepisyo sa mga proyektong nakalaan para sa taumbayan.
Ginawa ni Ejercito ang pahayag nitong Lunes sa Senate budget hearing ng Department of Transportation (DOTr), na may panukalang P197 bilyong pondo para sa 2025.
“Ginagawa natin ang budget hearings para mapahusay o madagdagan pa ang pondo ng mga ahensya para mas gumanda ang kanilang programa. Hindi perpekto ang National Expenditure Program,” ani Ejercito.
“Hindi lahat ng amendments o insertions masama, dahil kung ito ay makakatulong at makakapagpalakas ng mga programang epektibo, mahalaga iyon. Parte ng trabaho natin na masiguro na mas magiging maayos ang takbo ng serbisyo,” dagdag niya.
Dumating ang pahayag na ito matapos ibunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na halos lahat ng senador sa 19th Congress ay nagsingit ng tig-P100 bilyong halaga ng pondo sa 2025 General Appropriations Act (GAA).
“Siguro hindi lang naiintindihan dahil sa mga isyu. Kaya tuloy, natatakot na yung iba. Pag sinabing amendment o insertion, masama agad ang tingin,” giit ni Ejercito.
Samantala, ayon naman kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, bahagi ng regular na proseso ng budget deliberations ang mga insertions.
Ang isyu ng insertions ay muling lumutang matapos ang mga rebelasyong kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects, kung saan ilang dating at kasalukuyang mambabatas ang nadawit.
