Habang papasok ang Magnolia Chicken Timplados sa ika-50 season ng PBA sa Oktubre 5 sa Smart Araneta Coliseum, nakatutok ang mata ng fans kay LA Tenorio, ang beteranong point guard na kasalukuyang nakalista bilang player-coach ng Hotshots.
Hindi pa tiyak kung maglalaro si Tenorio o mananatili sa sidelines, pero may payo sa kanya ang isang alamat ng PBA na si four-time MVP Ramon Fernandez.
“Puwede pa ’yon. Good luck to him. Ang importante d’yan ay may 100 percent support siya ng management. Then wala siyang magiging problema, just like the case of Sonny Jaworski,” wika ni Fernandez mula Cebu.
Batid ni “El Presidente” ang hirap at ginhawa ng pagiging player-coach. Noong 1988, siya ang unang player-coach ng Purefoods matapos bilhin ng kompanya ang prangkisa ng Tanduay.
Bagama’t agad silang umarangkada hanggang Finals, nagkaroon siya ng banggaan sa management at kalaunan ay lumipat sa San Miguel, kung saan siya muling nagkampeon at nakamit ang MVP.
“Yun ang babantayan ni LA dapat, na ma-maintain niya yung 100 percent support ng management. Kasi when you have that support, you will also have the respect of your players. Yan ang two vital factors na ’di puwedeng mawala,” diin ni Fernandez.
Sa Media Day naman ng PBA, aminado si Tenorio na mabigat ang kanyang sitwasyon.
“It’s basically going to be a hard decision for me—siyempre, magko-coach ako at the same time, naglalaro ako. From time to time, sumasali ako ng practice. You’ll never know,” aniya.Kung maglalaro man siya muli o manatili sa coaching role, isang bagong yugto sa kasaysayan ng PBA ang sinusulat ngayon ni LA Tenorio, taglay ang karunungan mula sa mga alamat na nauna sa kanya. (RON TOLENTINO)
