Nagpatutsada muli si Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes, matapos ang pahayag ng Pangulo kaugnay ng akusasyon ng kapatid niyang si Senator Imee Marcos na gumagamit umano siya ng ilegal na droga.
Ayon kay Duterte, ang ugali ng Pangulo ay “umaakma sa profile ng isang drug addict,” lalo na umano sa paraan ng pagtrato nito sa mga taong nagmamalasakit sa kanya.
“Sa tingin ko, it fits the profile of a drug addict na gina-gaslight ‘yung mga mahal nila sa buhay. Kapag sinasabihan sila na may problema ka, sasagot sila na wala akong problema—ikaw ang problema,” pahayag ng Bise Presidente sa isang panayam.
Ito ay matapos sabihin ng Pangulo na ayaw niyang pag-usapan sa publiko ang “family matters” kaugnay ng mga akusasyon ni Imee na gumagamit daw ng droga ang ilan sa First Family.
Sa public briefing, sinabi ni Marcos na “hindi na si Imee” ang nakikita ng publiko ngayon at matagal na raw silang nag-aalala sa kondisyon ng senador.
“The lady you see talking on TV is not my sister,” ani Marcos, sabay sabing umaasa siyang gagaling ito sa lalong madaling panahon.
Hinamon din ni Duterte ang Pangulo na sumailalim sa drug test kung ito ang hihilingin ng taumbayan.
“Nakatali ‘yan sa kanyang oath. Ibinigay niya ang buhay niya sa bayan. Kapag sinabi ng taumbayan na mag-drug test ka, hindi ka puwedeng humindi,” aniya.
Sinabi rin niyang handa siyang sumama kay Marcos, maging si Senator Imee, para magpa-drug test.
“Huwag siya matakot. Para sa bayan naman ‘yun,” dagdag ni Duterte.
Binanatan din ng Bise Presidente ang umano’y partisipasyon ng Pangulo sa sinasabing budget insertions sa General Appropriations Act (GAA).
“Accountable siya dahil pinayagan niya ang insertions. Ang ebidensya ng kanyang participation ay ‘yung pirma niya sa GAA,” sabi ni Duterte.
Tinawag pa niya itong “culpable violation of the Constitution.”
Idinagdag din niya na ang pagbubukas umano ng bansa sa International Criminal Court at ang pagtangging magpa-drug test ay “betrayal of public trust.”
Nang tanungin kung handa siyang pumalit sakaling may mangyari sa Pangulo:
“There is no question about my readiness,” tugon ni Duterte.
Samantala, hinggil sa matitinding akusasyon ng Bise Presidente, sinabi ng Palasyo na naghihintay pa sila ng pagkakataong magbigay ng komento.
